Calendar
4PH rollout pinalalakas ng DHSUD
PINALALAKAS ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang rollout ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Si Ariel Antonio, 58, kabilang sa mahigit 8,100 pamilya na nakinabang sa Enhanced Community Mortgage Program (ECMP) sinabi na: “hindi na ako matatawag na squatter.
May titulo na akong maiiwan sa mga anak ko. Pangulong Bongbong Marcos, nagpapasalamat ako sa iyo at sana maging tuluy-tuloy pa ang ganitong programa,” ani Antonio.
Si Aileen Tolentino nakatanggap ng unit sa Pilar 4PH Project sa Bataan.
“Walong taon na akong nagrerenta at mas mataas pa ang renta kaysa hulog dito. Salamat sa Expanded 4PH, nagkaroon ako ng sariling tahanan. Sana mas marami pang Pilipino ang makinabang,” ani Tolentino.
Sa Lucena City, 100 benepisyaryo ang nabigyan ng Certificates of Entitlement (COEs) sa ilalim ng Presidential Proclamation modality.
Ayon kay Arturo Dominguez: “Lubhang nasisiyahan kami dahil mapapasamin na ang lupang matagal na naming minimithi.”
Sinabi naman ni Marlon Villaruel: “Dito nagsisimula ang security natin. Hindi na kailangang umupa o mangamba sa renta. Sobrang halaga na magkaroon ng sariling tahanan.”
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, ang Expanded 4PH ay higit pa sa pagpapatayo ng bahay.
“Ang bawat tahanang naipagkakaloob ay bunga ng sama-samang pagtutulungan ng DHSUD at key shelter agencies. Layunin ng Expanded 4PH na mabigyan ang bawat pamilyang Pilipino ng ligtas, abot-kaya, at disenteng tahanan na magsisilbing pundasyon ng kanilang kinabukasan,” ani Aliling.
