Ortega1

Impeachment trial ni VP Sara dapat  nakabatay sa ebidensiya — Ortega

Mar Rodriguez Jul 27, 2026
25 Views

BINIGYANG-DIIN ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Francisco Paolo P. Ortega V na ang impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte sa Senado ay dapat ibatay sa ebidensiya at hindi sa pamamagitan ng emosyon at personal na pag-atake.

Sinabi ni Ortega na ang impeachment trial ng Bise Presidente ay nararapat mapagpasyahan batay sa bigat ng mga ebidensiyang ihaharap ng magkabilang panig at hindi sa emosyon o personal na pag-atake.

Ipinaliwanag ni Ortega na ang impeachment ay isang mekanismo ng pananagutan na itinatadhana ng Konstitusyon at dapat isagawa nang may paggalang ng lahat ng kalahok, kabilang ang mga senator-judges, mga prosecutor, at ang defense panel.

“Hindi lang naman po sa senator-judges, sa defense, o sa prosecution, but the entire process should be. Siyempre it’s an accountability tool. It’s a mechanism of the Constitution,” ani Ortega.

“So importante po manaig ang respeto. At ano na lang, labanan na lang ng ebidensya, hindi emosyon at saka personal na bagay,” dagdag pa ng mambabatas.

Iginigiit ni Ortega na pangunahing layunin ng prosekusyon na maiprisinta nang malinaw at maayos ang lahat ng kanilang ebidensiya upang magkaroon ng patas na batayan ang Senado sa paghusga sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente.

“Ang sa’min po is more on talagang mailabas at saka maipakita lahat ng ebidensya kasi nga po, on the side of the prosecution, ‘yun po ang importante na magawa. At importante maayos po at matahi po lahat ang mga piniprisenta,” sabi pa nito.

Ayon kay Ortega, positibo ang naging pagtanggap ng ilang eksperto sa batas, kabilang ang mga abogado at mga dean ng law schools, sa paraan ng presentasyon ng prosekusyon. Aniya, binabantayan din nila ang pananaw ng publiko kaugnay ng paglilitis.

Tinukoy rin niya ang isang kamakailang survey ng OCTA Research, na nagsasabing humigit-kumulang 71 porsiyento ng mga Pilipino ang nais na ibatay ng Senate Impeachment Court ang magiging pasya nito sa batas at sa mga ebidensiyang ihaharap sa paglilitis. Para kay Ortega, nagpapakita ito na nais ng publiko na masagot ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente.

Idinagdag niya na ngayong natapos na ng prosekusyon ang presentasyon ng mga ebidensiya at mga testigo kaugnay ng reklamong grave threats laban kay Duterte, mas inaabangan na ng publiko ang magiging depensa ng kampo ng Bise Presidente.

“Actually, ang gusto nga nila, ‘Sige, tapusin niyo na sa prosecution para tingnan naman natin ano ‘yung gagawin ng depensa.’ Parang excited sila kung paano sasalagin o dedepensahan ng kabilang panig ‘yung mga glaring saka malalakas na ebidensya from the prosecution,” wika pa ni Ortega.

Binanggit din ni Ortega na nagkaroon ng ilang palitan ng opinyon sa pagitan ng prosekusyon at ilang senator-judges sa gitna ng paglilitis, kabilang ang puna ng isang miyembro ng impeachment court na umano’y “one-sided” ang presentasyon ng prosekusyon. Sa kabila nito, sinabi niyang umaasa ang publiko na mapananatili ng lahat ng kalahok ang dignidad at kaayusan ng proseso.

“Ang sagot lang naman po nila ay sana manaig ‘yung respeto at pagiging honorable ng buong institusyon,” aniya.

Kamakailan ay natapos ng House prosecution panel ang presentasyon ng mga ebidensiya kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment, na tumutukoy sa alegasyong nakagawa si Duterte ng impeachable offense dahil sa umano’y **grave threats** laban sa Pangulo, Unang Ginang, at dating Speaker ng Kamara.

Naghihintay pa ang House prosecution panel sa magiging pasya ng Senate Impeachment Court kung oobligahin ang depensa na magprisinta ng mga ebidensiya kaugnay ng naturang artikulo bago magpatuloy ang paglilitis. Kapag pinayagan ng korte na magpatuloy ang proseso, sinabi ng prosekusyon na nakahanda na silang iharap ang kanilang mga ebidensiya para sa Article I na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.