Cayetano

Mga detalye sa Taguig infra hiniling

42 Views

SINABI ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na haharapin niya ang mga paratang hinggil sa mga proyektong pang-imprastraktura sa Taguig ngunit hiniling kay Senator Panfilo “Ping” Lacson na ilabas ang kumpletong detalye sa halip na magbigay ng aniya’y pangkalahatang mga alegasyon.

Ayon kay Cayetano, dapat tukuyin ni Lacson ang mga proyekto, halaga, lokasyon at sinasabing iregularidad upang masagot niya ang mga ito sa tamang forum.

“Sasagutin ko sa tamang forum at panahon kahit sa harap ninyo, but I want ilatag niya ano ba talaga sinasabi niya, magkano, saan, etc.,” ani Cayetano.

“Hindi mo masasagot ang allegation nang hindi buo,” dagdag niya.

Sinabi ni Lacson na nakapagdokumento ang kanyang grupo ng mas marami pang kaso ng umano’y double billing at collection na may kaugnayan sa mga proyektong pang-imprastraktura sa Taguig.

Ayon kay Lacson, may magkahiwalay umanong mga proyekto na gumamit ng parehong larawan para sa billing kahit magkaiba ang appropriation, technical description, lokasyon at contractor.

Sinabi rin niyang ang mga proyekto ay na-bill at nakolekta na at isusumite sa Office of the Ombudsman ang mga dokumento, kabilang ang tinukoy niyang patunay ng money trail.

Hindi tuwirang sinagot ni Cayetano sa panayam ang alegasyong gumamit ng parehong larawan ang magkahiwalay na proyekto o ang pahayag na kapwa nabayaran ang mga ito.

Sa halip, tumutol siya sa aniya’y pagsi-single out sa Taguig at sinabing dapat ding siyasatin ang mga proyektong pang-imprastraktura sa ibang bahagi ng bansa.

“Hindi dapat ma-single out,” ani Cayetano.

Sinabi niyang hindi siya contractor, regional public works official o engineer ngunit inamin niyang hangga’t maaari ay minomonitor niya ang mga proyekto sa Taguig.

“I’m not the regional director, I’m not an engineer. But of course taga-Taguig ako so as much as I can binabantayan ko. It’s on the record,” sinabi niya.

Ayon kay Cayetano, maaaring kabilang sa nagbibigay ng impormasyon laban sa kanila ang mga contractor at opisyal na nakasagupa o natanggal dahil sa mahigpit na patakaran sa Taguig.

“So maaaring iyon ang mga nagsusumbong. So i-verify lang nila mabuti,” aniya.

Iginiit niyang may mga contractor na nagalit dahil sa mahigpit na patakaran sa lungsod at sinabing dapat pa ring siyasatin kung may proyektong nakalusot.

“Kaya maraming galit na contractor kasi mahigpit ang patakaran. Kung may nakalusot ’yan, let’s see,” ani Cayetano.

Sa naunang pahayag, sinabi ni Cayetano na walang nakitang ghost project sa preliminary checks sa Taguig, bagaman inamin niyang may ilang proyektong may problema at sinabi niyang naiulat na ang mga ito.

Gayunman, nakatuon ang pinakahuling alegasyon ni Lacson sa umano’y double billing, duplicate appropriations at paggamit ng parehong larawan ng proyekto para sa billing at collection.