Calendar
Gatchalian prayoridad ekonomiya, maagap na pagpasa ng ’27 budget
INILAGAY ni Senate President Sherwin Gatchalian sa pangunahing agenda ng Senado ang pagpapasigla sa ekonomiya at maagap na pagpasa sa pambansang budget para sa 2027 sa pagbubukas ng ikalawang regular na sesyon ng ika-20 Kongreso noong Lunes.
Tututukan ng Senado ang mataas na presyo ng pagkain, lumiit na take-home pay ng mga manggagawa, mahal na kuryente, kakulangan sa imprastraktura at transportasyon, at kawalan ng katiyakan sa trabaho at kabuhayan.
“Our work begins with the economy because no vision of national progress can take hold while families struggle to meet their basic needs,” ani Gatchalian.
Ibinaba ng mga economic managers ang forecast sa paglago ng ekonomiya para sa 2026 mula 5 hanggang 6 porsiyento tungo sa 3.5 hanggang 4.5 porsiyento.
Kapag umabot lamang sa pinakamababang bahagi ng forecast ang paglago, sinabi niyang ito ang magiging pinakamabagal mula noong 2009, hindi kabilang ang panahon ng pandemya.
“These numbers are not abstract. They translate into lower incomes, fewer job opportunities, and heavier burdens for families struggling to get by,” ani Gatchalian.
Bibigyang prayoridad ng Senado ang mga panukalang magpapasigla sa ekonomiya, ngunit iginiit niyang dapat maramdaman ng karaniwang pamilya ang anumang pagbangon.
Binigyang-diin din niya na kailangang maipasa sa tamang panahon ang panukalang 2027 national budget upang agad na makarating ang pondo sa mahahalagang serbisyo at makapagsimula sa iskedyul ang mga bagong proyekto.
“The national budget is our most powerful tool for stimulating the economy. It is imperative that the 2027 national budget be passed on time,” sabi ni Gatchalian.
Ipagpapatuloy ng Senado ang mga hakbang para sa transparency at accountability na ipinatupad sa pagtalakay sa 2026 budget, kabilang ang livestreaming ng bicameral conference at paglalagay ng mga dokumento sa Senate Transparency Portal.
Bibigyan ng prayoridad ang mga panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law, na kabilang sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council, ayon sa senador.
Layunin ng mga amyenda na matiyak ang sapat na reserba ng bigas habang pinoprotektahan ang kita at kabuhayan ng mga magsasaka.
Tinukoy rin ni Gatchalian ang panukalang Ginhawa Bill bilang prayoridad upang madagdagan ang naiuuwing kita ng mga manggagawa.
Sa ilalim ng panukala, hindi na magbabayad ng income tax ang mga kumikita ng hanggang P400,000 kada taon. Itataas din ang tax-free ceiling para sa mga bonus at aalisin ang buwis sa overtime pay, holiday pay, night-shift differential, hazard pay at service charges.
Tututukan din ng Senado ang tumataas na singil sa kuryente at isusulong ang mas mahigpit na regulasyon upang maprotektahan ang mga consumer, sinabi niya.
Ayon kay Gatchalian, kailangang suriin ang mga sangkap ng presyo ng produktong petrolyo upang matukoy kung ang pagtaas ay dulot ng pandaigdigang presyo at lehitimong gastos o may hindi makatwirang patong na ipinapasa sa mga consumer.
Sa imprastraktura, sinabi niyang bibigyan ng prayoridad ng Senado ang panukalang Master Plan for Infrastructure and National Development Act, na isa rin sa mga prayoridad ng LEDAC.
Layunin ng panukala na bumuo ng 30-taong plano na mag-uugnay sa mga pangunahing proyekto sa mga kalsada, paliparan, ospital at energy pipelines.
Sinabi ni Gatchalian na ang mas mabilis at maayos na paggasta sa imprastraktura ay maaaring lumikha ng trabaho, makahikayat ng pamumuhunan at makatulong sa pangmatagalang paglago ng ekonomiya.
Isusulong din ng Senado ang mga hakbang upang palakasin ang micro, small and medium enterprises at ipagpapatuloy ang mga reporma sa edukasyon, kalusugan at social protection.

