Sandro1

Marcos: Di madidiskaril ng impeachment trial pagtalakay ng Kamara sa 2027 nat’l budget

Mar Rodriguez Jul 27, 2026
37 Views

TINIYAK ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos na hindi maaantala o madidiskaril ng isinasagawang impeachment trial ang nakatakdang pagtalakay ng Kamara de Representantes sa 2027 proposed national budget.

Ayon sa Majority Leader, magpapatuloy ang Mababang Kapulungan sa pagtalakay sa 2027 National Budget ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., sa kabila ng nagpapatuloy na impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte sa Senado.

Ginawa ni Marcos ang pahayag nitong Lunes habang naghahanda ang Kamara sa pagtanggap ng National Expenditure Program (NEP) at sa pagsisimula ng mga pagdinig kaugnay ng mga prayoridad sa paggasta ng pamahalaan para sa susunod na taon.

“Wala naman ‘yung impeachment sa Lower House. We will continue doing our job,” ani Marcos.

Ayon pa kay Marcos, dahil ang impeachment proceedings laban kay Duterte ay nasa Senado lamang, maipagpapatuloy ng Kamara ang pagtutok nito sa pambansang badyet at sa iba pang mga tungkuling pambatas.

“So to answer your question, I don’t think it will affect, at least I can only speak on behalf of the Lower House. It will not affect what we have to do and what needs to be done,” pagbibigay-diin ng kongresista.

Sa ilalim ng taunang proseso ng badyet, isinusumite ng Ehekutibo ang National Expenditure Program (NEP) sa Kongreso bilang batayan sa pagbuo ng General Appropriations Bill (GAB). Pagkatapos nito, susuriin ng House Committee on Appropriations ang mga panukalang alokasyon at mga batayang pinansyal ng pamahalaan bago magsagawa ng mga pagdinig sa bawat ahensya.

“As you know, the budget is the single most important piece of legislation for both the House and the Senate,” ani Marcos.

Inaasahan din niyang maisusumite ng administrasyon ang panukalang badyet sa buwan ng Agosto upang agad nang makapagsimula ang Kamara sa masusing pagsusuri ng mga programa at gastusin ng bawat ahensya ng pamahalaan.

“You are right, now we are expecting the NEP to be turned over sometime next month, hopefully not too late, but hopefully the NEP turnover will be sometime in August. Then we can proceed with the budget briefings,” paliwanag niya.

Nangako rin si Marcos na ipagpapatuloy ng Kamara ang mga repormang ipinatupad noong nakaraang budget cycle upang maging mas bukas at malinaw ang proseso ng pagbuo ng pambansang badyet.

Ayon sa kanya, patuloy na bibigyan ng pagkakataon ang mga civil society organizations pna makilahok sa pagsusuri at paghubog ng panukalang badyet.

“With regards to the changes that you spoke about, I think marami namang ginawa ang Appro para manigurado that the budget process is much more transparent. We will make sure that different civic groups are involved in the shaping, and the analysis of the budget,” pahayag pa ni Marcos.

“So I think we will continue with all the reforms already implemented last year,” pagtatapos ni Marcos.