Ridon

Pagre-resign ni VP Sara spekulasyon lang — Ridon

Mar Rodriguez Jul 26, 2026
46 Views

HINDI naniniwala si House prosecutor at Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon na talagang magbibitiw si Vice President Sara Duterte sapagkat ito ay malinaw sa espekulasyon lamang.

Itinutiring niya na pawang espekulasyon lamang ang mga lumalabas na haka-hakang maaaring magbitiw sa puwesto ang Bise Presidente bago iharap sa impeachment trial ang mga rekord sa pananalapi na maaaring makasama sa kanyang depensa.

Ayon kay Ridon, nasa pagpapasya ni VP Duterte kung nais niyang magbitiw sa tungkulin o harapin ang paglilitis hanggang sa huli.

Ginawa ni Ridon ang pahayag bilang tugon sa mga usap-usapan sa social media na maaaring magbitiw si Duterte bago matanggap ng Senado, bilang impeachment court, ang kanyang mga bank records, tax records, at mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Ayon sa ilang nagmamasid, maaaring makatulong ito upang mapanatili ang kanyang posibilidad na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.

“Well, ang totoo naman po, that is just a speculation. I think I’ve seen the same post, pero tingin ko that is just a speculation that the Vice President will resign,” ayon kay Ridon.

Sinabi rin ng chairman ng House Committee on Public Accounts na handa ang prosekusyon anuman ang maging desisyon ni Duterte. Aniya, may ilang miyembro ng prosecution panel ang naniniwalang dapat pa ring ituloy ang impeachment trial kahit magbitiw ang Bise Presidente.

“Pero ang totoo naman, at ito din ang pagtingin ng ilan sa mga kasama namin sa prosekusyon, even if the VP resigns, tingin po namin dapat magtuloy pa rin ang paglilitis kasi ‘di lang naman removal from office ang pinag-uusapan natin dito.

Perpetual disqualification from holding public office pa rin ang nakalatag na usapin,” sabi pa ni Ridon.