Quimbo

Personal income tax rerepasuhin sa Kongreso

Mar Rodriguez Jul 26, 2026
39 Views

NAKATAKDANG repasuhin ng chairman ng House Ways and Means Committee ang personal income tax upang mabawasan ang epekto ng inflation sa mga manggagawa.

Sinabi ni Marikina Rep. Miro Quimbo na nakatakdang talakayin ng kaniyang komite ang panukalang naglalayong repasuhin at iakma ang sistema ng personal income tax upang makapagbigay ng makabuluhang tax relief sa milyun-milyong Pilipinong kabilang sa middle-income sector.

Ayon kay Quimbo, magsasagawa ang komite ng komprehensibong pagsusuri sa umiiral na income tax brackets.

Kabilang dito ang panukalang itaas ang tax-exempt threshold at muling suriin ang pagbubuwis sa mga bonus, allowance at iba pang mandatory deductions upang matiyak na ang sistema ng pagbubuwis ay naaayon sa kasalukuyang kalagayang pang ekonomiya.

“Ang kasalukuyang personal income tax brackets ay ipinatupad pa noong 2018. Simula noon, malaki na ang ibinaba ng purchasing power ng mga Pilipino dahil sa inflation,” sabi ni Quimbo.

Dagdag pa ng kongresista, para sa isang empleyadong kumikita ng P30,000 hanggang P80,000 kada buwan madalas na nauubos lamang sa pagtaas ng gastusin ang anumang dagdag sa kanilang suweldo.”

Binigyang-diin ng mambabatas na hindi lamang dapat tingnan ang polisiya sa pagbubuwis bilang paraan ng paglikom ng kita ng pamahalaan, kundi bilang kasangkapan din upang mapatatag ang kalagayan ng mga pamilya at mapanatili ang paglago ng ekonomiya.

“Ang ating tungkulin sa susunod na isa’t kalahating taon ay repasuhin at iakma ang buong sistema ng pagbubuwis batay sa pagiging patas, episyente, at kapani-paniwala nito,” pahayag pa ni Quimbo.