Calendar
Senado plenary session alas-4:00 sa Miyerkules
IDARAOS ng Senado ang regular na plenary session alas-4:00 ng hapon matapos ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Miyerkules at ipagpapatuloy ang mga gawaing lehislatibo kasabay ng paglilitis.
Kinumpirma ni Senate President Sherwin Gatchalian na magdaraos ang impeachment court ng pagdinig mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon sa Hulyo 29 bago magsimula ang regular na sesyon makalipas ang isang oras.
Magsisimula naman ng alas-3:00 ng hapon ang sesyon ng Senado sa Hulyo 28.
Inilagay ni Gatchalian sa pangunahing agenda ng Senado para sa ikalawang regular na sesyon ng ika-20 Kongreso ang pagpapasigla sa ekonomiya at maagap na pagpasa sa panukalang pambansang budget para sa 2027.
Tututukan ng Senado ang mataas na presyo ng pagkain, lumiit na take-home pay ng mga manggagawa, mahal na kuryente, kakulangan sa imprastraktura at transportasyon, at kawalan ng katiyakan sa trabaho at kabuhayan.
Bibigyan ng prayoridad ng Senado ang mga panukalang magpapasigla sa ekonomiya ngunit iginiit niyang dapat maramdaman ng karaniwang pamilya ang pagbangon.
“Genuine economic recovery cannot be measured by growth figures alone. It must be felt in the things that really matter—affordable goods and services, secure jobs, and food on the table,” sinabi niya.
Binigyang-diin din niyang kailangang maipasa sa tamang panahon ang panukalang 2027 national budget upang makarating ang pondo sa mahahalagang serbisyo at makapagsimula sa iskedyul ang mga bagong proyekto.
“The national budget is our most powerful tool for stimulating the economy. It is imperative that the 2027 national budget be passed on time,” ani Gatchalian.
Ipagpapatuloy ng Senado ang mga hakbang para sa transparency at accountability na ipinatupad sa proseso ng 2026 budget, kabilang ang livestream ng bicameral conference at paglalagay ng mga dokumento sa Senate Transparency Portal.
Bibigyan ng prayoridad ang mga panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law upang matiyak ang sapat na reserba ng bigas habang pinoprotektahan ang kita at kabuhayan ng mga magsasaka.
Bibigyan din ng prayoridad ang panukalang Ginhawa Bill na naglalayong dagdagan ang naiuuwing kita ng mga manggagawa.
Sa ilalim ng panukala, hindi na magbabayad ng income tax ang mga kumikita ng hanggang P400,000 kada taon. Itataas din ang tax-free ceiling para sa mga bonus at aalisin ang buwis sa overtime pay, holiday pay, night-shift differential, hazard pay at service charges.
Tututukan din ng Senado ang tumataas na singil sa kuryente at susuriin ang mga bahagi ng presyo ng produktong petrolyo upang matukoy kung ang pagtaas ay dulot ng pandaigdigang presyo at lehitimong gastos o may hindi makatwirang patong na ipinapasa sa mga consumer.
Bibigyan din ng prayoridad ang panukalang Master Plan for Infrastructure and National Development Act, na naglalayong bumuo ng 30-taong plano para sa mga proyekto sa kalsada, paliparan, ospital at energy pipelines.
Isusulong din ng Senado ang mga hakbang upang palakasin ang micro, small and medium enterprises at ipagpapatuloy ang mga reporma sa edukasyon, kalusugan at social protection.
Sinabi ni Gatchalian na makikipag-ugnayan siya kay Senate Finance Committee chairperson JV Ejercito upang ayusin ang budget timetable kasabay ng impeachment proceedings.
Sinuspinde ng Senado ang sesyon nito nitong Lunes ng umaga hanggang sa joint session ng Kongreso sa alas-4 ng hapon sa House of Representatives, kung saan nakatakdang ihatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang ikalimang State of the Nation Address.
