Bomb Source: PTV

Gatchalian pinaiimbestigahan, kinondena paglagay ng IED malapit sa Senado

27 Views

NANAWAGAN si Senate President Sherwin Gatchalian ng imbestigasyon sa natagpuang hinihinalang improvised explosive device malapit sa Senado sa Pasay City noong Lunes.

Ayon sa National Capital Region Police Office, na-neutralize ng bomb disposal team ng Pasay City police ang hinihinalang device sa Diokno Boulevard bago ang State of the Nation Address ni President Ferdinand Marcos Jr.

Narekober ng mga awtoridad ang isang blasting cap, 9-volt battery, orasan at lalagyan na may hinihinalang explosive material.

Kinondena ni Gatchalian ang inilarawan niyang mistulang pagtatangkang maghasik ng takot malapit sa Senado habang nagtitipon ang mga institusyon ng pamahalaan para sa SONA.

“We condemn in the strongest terms this apparent attempt to sow fear near the Senate on the very day our institutions gather for the State of the Nation Address,” ani Gatchalian.

Inatasan niya ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms na lubos na makipag-ugnayan sa Philippine National Police at sa Explosive Ordnance Disposal unit nito.

Nanawagan siya sa PNP at iba pang kinauukulang awtoridad na magsagawa ng masusi at patas na imbestigasyon upang matukoy kung sino ang responsable at kung ano ang layunin ng nasa likod ng insidente.

“The perpetrators must be identified and held accountable under the law,” ani Gatchalian.

Wala pang tinutukoy na suspek at hindi pa natutukoy ng mga awtoridad ang motibo sa insidente.

Hinimok ni Gatchalian ang publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag at iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.