DHSUD ipagpapatuloy 4PH program

Jun I Legaspi Jul 28, 2026
26 Views

TINIYAK ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na ipagpapatuloy ang mga nakamit sa pabahay sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.

Ito’y matapos kilalanin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga tagumpay nito sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.

“Higit limang daang libong bahay ang ating naitayo na at napondohan. Kasama ang higit isang daang libong bahay na naidagdag natin sa loob lamang ng isang taon sa ilalim ng pinalawig natin na 4PH program. Susi sa lahat ng ito ang magandang sistema ng pautang upang gawing mas abot-kaya ang mga pabahay para sa mga Pilipino,” ani Pangulong Marcos Jr.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, ang pagkilala ng Pangulo ay sumasalamin sa sama-samang pagsisikap ng pambansang pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at mga komunidad upang maisulong ang Expanded 4PH Program.

Mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2026, nakapaghatid na ang administrasyon ng 575,693 housing units, katumbas ng 51% ng recalibrated target na 1.13 milyong housing units bago matapos ang termino ng Pangulo.

Kinilala rin ng mga lokal na lider ang kontribusyon ng DHSUD.

Sinabi ni Naga City Mayor Robredo na malaking tulong ang DHSUD sa pagtugon sa lumalaking pangangailangan sa pabahay ng lungsod.

“Malaki ang housing problem ng Naga kasi ‘yung rapid urbanization dito, housing ‘yung naiiwan pero medyo nakakahabol tayo ngayon dahil sa tulong ng DHSUD,” ani Mayor Robredo.

Sa Naga City Housing and Development Milestone Ceremony, binigyang-diin ni Mayor Robredo na agresibo ang programa ng administrasyon para sa mga pamilyang walang tirahan, kasabay ng mas matibay na pagtutok ng pambansang pamahalaan sa pabahay.

Maging ang pribadong sektor ay nagpahayag ng suporta. Sa Q1 2026 Philippine Property Market Briefing, sinabi ni Colliers Philippines Research Director Joey Roi Bondoc na nakatutulong ang Expanded 4PH Program sa paglago ng affordable housing segment.

“By prioritizing government intervention to stimulate the economy, the Philippine government’s Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program is doing wonders for the condominium market, specifically for the urban poor and low-income earners,” ani Bondoc.

“Asahan po ninyo na patuloy na magsisikap ang DHSUD kasama ng aming mga key shelter agencies upang mas mapalawak pa ang mga programang pabahay ng gobyerno para mas maraming pamilyang Pilipino pa ang matulungan nating makamit ang pinapangarap nilang disente, ligtas at abot-kayang tahanan,” saad ni Secretary Aliling.