Quimbo

Paninindigan ni PBBM sa WPS matatag

Mar Rodriguez Jul 29, 2026
100 Views

IPINAHAYAG ng mga lider ng Kamara de Representantes ang kanilang suporta sa naging paninindigan ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. kaugnay ng West Philippine Sea (WPS) matapos nitong igiit sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na hindi isusuko ng Pilipinas ang alinmang bahagi ng teritoryo nito habang patuloy na isinusulong ang maayos na ugnayan sa China at iba pang mga bansa sa rehiyon.

Ayon kina House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette L. Garin at House Committee on Ways and Means Chairperson at Marikina City Rep. Romero “Miro” Quimbo na naipakita ng Pangulo ang tamang balanse sa pagitan ng matatag na pagtatanggol sa soberanya ng bansa at ng pagiging bukas sa diplomasya at kooperasyong panrehiyon na makabubuti sa interes ng Pilipinas.

Sinabi ni Garin na ipinamalas ni Pangulong Marcos ang dignidad at katatagan sa pagtatanggol sa mga karapatan ng bansa.

“Alam niyo ’yung statement ni Pangulong Bongbong Marcos kahapon sa ika-limang SONA, doon mo nakita ang isang hindi palaway, dignified, pero talagang matapang [na lider] kapag Pilipinas ang pinag-uusapan,” sabi ni Garin.

Binigyang-diin nito na paulit-ulit na sinabi ng Pangulo na walang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang dapat isuko.

“Ang sinasabi niya at paulit niyang tinutumbok ay wala tayong isusurender sa bansang atin. Ni isang kusing ng ating lupa ay hindi dapat mapunta sa iba. Nanalo na tayo, dapat ipaglaban natin ang ating panalo,” ayon kay Garin.

Dagdag pa ng Lady solon na ipinakita rin ng Pangulo na ang matatag na pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas ay hindi hadlang upang mapanatili ang maayos na relasyon sa China at mapalakas ang kooperasyon sa loob ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Ayon pa sa kaniya, kinilala rin ng Pangulo ang naitulong ng China sa panahon ng krisis sa suplay ng langis, habang nilinaw na ang mga usapin sa teritoryo ay dapat manatiling hiwalay sa mga larangang maaari pa ring pagtulungan ng dalawang bansa.

Malugod ding tinanggap ni Garin ang panawagan ng Pangulo para sa mas matibay na kooperasyon sa ASEAN, na inilarawan niyang isang “international bayanihan” kung saan maaaring magtulungan ang mga bansa nang hindi isinasakripisyo ang soberanya ng Pilipinas.

“Ang away sa teritoryo ay mananatiling away sa teritoryo and we will never back out. Magtutulungan tayo sa maraming aspeto, pero hindi naman pwedeng maski konti o lalo na ‘pag malaking bahagi ng bahay natin ay kukunin nila,” aniya.

Samantala, sinabi ni Quimbo na malakas ang naging dating ng mensahe ng Pangulo sa mga Pilipino, at aniya, isa sa pinakamalakas na palakpakan sa SONA ang natanggap ng pahayag nito hinggil sa pagtatanggol sa teritoryo ng bansa.

“Malinaw naman ’yung tindig ng Pangulo na, in fact, sa nakita ko kahapon, ’yun ang pinakamalakas na palakpak dahil ang ating bayan ay uhaw para sa isang leader na nakikipaglaban para sa kapakanan ng ating mamamayan, lalong-lalo na kung ang ating ipinaglalaban ay something that is historically, legally ours,” ani Quimbo.

Idinagdag niya na may sapat na dahilan ang mga Pilipino upang suportahan ang paninindigan ng Pangulo dahil ang ipinagtatanggol na teritoryo ay ipinaglaban at ipinamana ng mga naunang henerasyon.

“Kahit anumang mangyari, talagang magkaubusan ng lahat, hindi natin ibibigay ang teritoryo na ipinaglaban ng ating mga ninuno,” ani Quimbo.