Calendar
Ex-LandBank manager isinalaysay 4 na cash withdrawal ng OVP na umabot sa ₱500M
EKSPLOSIBO ang naging salaysay ng isang retiradong branch manager ng Land Bank of the Philippines (LandBank) kaugnay sa apat na cash withdrawal na umabot sa kabuuang ₱500 milyon na bahagi ng mga ebidensyang iniharap ng House prosecution sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte hinggil sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyon sa confidential funds.
Kinilala ni Violeta Constantino, dating department manager ng LandBank Shaw Boulevard Branch, ang apat na tsekeng nagkakahalaga ng ₱125 milyon bawat isa na iniharap ng prosekusyon.
Ang mga tseke ay nakapangalan kay Gina F. Acosta, Special Disbursing Officer ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Constantino, na nagsilbing branch manager mula Mayo 2017 hanggang sa kanyang pagreretiro noong Enero 2024, personal niyang pinangasiwaan ang pag-encash ng lahat ng apat na tseke.
“Yung apat na tseke po ito ay nakapangalan po kay Ms. Gina F. Acosta na may amount pong 125 million each,” ani Constantino sa direktang pagtatanong ni House prosecutor at Manila Rep. Joel R. Chua.
Sinabi niyang pamilyar siya sa mga naturang transaksyon dahil siya mismo ang nagbantay sa proseso ng pag-encash.
“Pamilyar po ako dito kasi ako po ‘yung nag-oversee na encashment na ’to noong ako po ay branch manager po ng Shaw Boulevard Branch,” aniya.
Ayon sa prosekusyon, ang apat na tseke ay may petsang Disyembre 20, 2022; Enero 31, 2023; Abril 18, 2023; at Hulyo 13, 2023.
Sinabi rin ng prosekusyon na ang mga pondong ito ay nagmula sa National Treasury, inilipat sa account ng OVP, at na-encash ni Acosta noong Disyembre 20, 2022; Pebrero 6, 2023; Abril 25, 2023; at Hulyo 14, 2023.
Kinilala rin ni Constantino si Queenie Masangkay bilang liaison ng OVP mula sa cash division na nakikipag-ugnayan sa kanya bago ang bawat pag-encash.
“Bali siya po ‘yung liaison ng OVP from the cash division at siya rin po yung tumatawag po sa akin sa other banking needs po nila,” aniya.
Ayon kay Constantino, isa hanggang dalawang araw bago ang bawat ₱125 milyong withdrawal ay tumatawag si Masangkay upang ipaalam ito sa bangko at mabigyan sila ng sapat na panahon upang maihanda ang kinakailangang halaga ng cash.
Ipinaliwanag niyang mahalaga ang paunang abiso dahil hindi karaniwang may sapat na cash ang sangay para sa ganoon kalaking withdrawal.
“Bali, meron po kasing cash-involved limit lang po ang branch. So, wala po kaming any given day na amount po for that amount po. Kaya kailangan po namin itong mag-request po sa aming cash center for assistance,” ani Constantino.
Aniya, matapos matanggap ang abiso, agad niyang ipinapaalam ito sa branch cashier upang makipag-ugnayan sa LandBank Cash Center para maipadala ang kinakailangang halaga ng salapi.
“Bali po, kino-communicate po sa aming branch cashier na meron pong ganitong cash requirement po ang Office of the Vice President. At the same time po, para po maka-coordinate po siya sa aming cash center for the cash transfer po,” paliwanag niya.
Kapag dumating na ang cash sa sangay, sinabi ni Constantino na tinatawagan niya si Masangkay upang ipaalam na handa na ang pera.
“Pagdating ng cash na ito, tinatawagan ko po si Ms. Queenie Masangkay po na available na po ’yung cash sa branch,” aniya.
Pagkatapos nito, ayon sa kanyang testimonya, pumupunta sa sangay sina Gina Acosta at Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio na awtorisadong lumagda para sa OVP, upang isagawa ang pag-encash ng mga tseke.
Iniharap ng House prosecution ang testimonya ni Constantino upang patunayan ang proseso ng pagproseso at pag-encash ng apat na tseke na nagkakahalaga ng kabuuang ₱500 milyon bilang bahagi ng mga ebidensya sa kasong impeachment laban kay Bise Presidente Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.

