Dy2

Majo Marcos naghain ng panukala ukol sa P350,000 tax-free income

Mar Rodriguez Jul 29, 2026
106 Views

Sandro1ISINULONG ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang panukalang ₱350,000 tax-free income kasunod ng nakalipas na ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Ayon sa Majority Leader, mas maraming manggagawang Pilipino ang makapag-uuwi ng mas malaking bahagi ng kanilang kinikita sa ilalim ng panukalang magtataas sa taunang tax-free income mula ₱250,000 tungo sa ₱350,000.

Inihain nina Majority Leader Marcos at House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang House Bill (HB) No. 10345 upang maisabatas ang isa sa mga pangunahing panukala ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang ikalimang SONA hinggil sa pagbibigay ng tax relief.

“Inilagay ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA ang tax relief kung saan ito tunay na mararamdaman ng mga pamilya—sa perang naiuuwing sahod matapos ang bawat cutoff. At tiniyak naman ni Speaker Bojie Dy na ang tugon ng Kamara ay hindi lamang palakpakan kundi isang kongkretong panukalang batas. Ang pagtataas ng tax-free income ceiling sa ₱350,000 ay magbibigay sa mga manggagawa ng mas malaking pondo para sa pagkain, matrikula, gamot, at iba pang gastusing hindi maaaring ipagpaliban,” ang pahayag ni Marcos.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Seksyon 24 ng National Internal Revenue Code (NIRC) sa pamamagitan ng pagbabago sa umiiral na graduated income tax rates para sa mga mamamayang Pilipino at mga resident alien.

Sa ilalim ng TRAIN Law, ang mga indibidwal na may taunang taxable income na hindi lalampas sa ₱250,000 ay hindi na nagbabayad ng income tax simula pa noong 2018.

Sa ilalim ng HB 10345, itataas ng ₱100,000 ang tax-free income threshold, kaya ang mga may taunang taxable income na hanggang ₱350,000 ay mapapasailalim sa zero percent na income tax.

Ayon sa panukalang iskedyul ng buwis, papatawan ng 15 porsiyentong pincome tax ang taunang taxable income na higit sa ₱350,000 ngunit hindi lalampas sa ₱400,000 habang mananatili ang kasalukuyang marginal tax rates na 20 porsiyento, 25 porsiyento, 30 porsiyento at 35 porsiyento para sa mas matataas na antas ng kita.

Para naman sa mga kumikita ng higit sa ₱400,000 kada taon, pananatilihin ng panukala ang umiiral na base tax at graduated tax rates na naaangkop sa mga income threshold na ₱400,000, ₱800,000, ₱2 milyon, at ₱8 milyon.

Mananatili rin ang kasalukuyang patakaran kung saan hiwalay na kakalkulahin ng mag-asawa ang kani-kanilang income tax, habang ang kita na hindi maaaring italaga lamang sa isa sa kanila ay hahatiin nang pantay.

Patuloy ding magiging exempted sa income tax ang mga minimum wage earners para sa kanilang taxable income, holiday pay, overtime pay, night shift differential at hazard pay.

Papayagan din ang mga kuwalipikadong self-employed individuals at professionals na piliing magbayad ng 8 porsiyentong buwis batay sa kanilang gross sales, gross receipts, at non-operating income na lampas sa ipinanukalang ₱350,000 threshold, kapalit ng graduated income tax at percentage tax.