Calendar
Speaker Dy: Kamara papaspasan pagpasa sa panukala ukol sa tax relief, pagtanggal ng system loss
TINIYAK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na papaspasan ng Kamara de Representantes ang pagtalakay at papasa ng inihaing panukalang batas na naglalayong nagbibigay ng tax relief at nagtatanggal naman ng “system loss charges” sa singil sa kuryente na nagpapadagdag sa kalbaryo at pagdurusa ng mamamayang Pilipino.
Uunahin ng House leadership ang pagpasa ng mga panukalang mag-aalis ng system loss charges sa singil sa kuryente at magbibigay ng income tax relief sa mga nagbabayad ng buwis lalo na sa mga kabilang sa middle class alinsunod sa mga prayoridad na inilahad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Inihayag ni Speaker Dy na handa ang Kamara na agarang kumilos para maisulong ang mga panukala ng Pangulo, dahil kinakailangang maisalin sa kongkretong mga reporma ang mga pangakong polisiya na direktang makikinabang ang mga pamilyang Pilipino.
“Ang tungkulin po natin ngayon ay gawing batas ang mga panukalang magpapagaan sa buhay ng ating mga kababayan. Handa po ang Kamara na kumilos agad upang maisulong ang mga repormang ito. Kaisa po tayo ng Pangulo sa layuning mapababa ang gastusin ng mga pamilya at mabigyan ng mas malaking ginhawa ang mga manggagawang Pilipino. Ito po ang klase ng mga repormang dapat nating unahing maipasa,” sabi ni Speaker Dy.
Sinabi din ng House Speaker na mabilis na kumikilos ang liderato ng Kamara upang makasabay sa itinakdang iskedyul ng Pangulo, at inaasahang maaaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa pagsapit ng Agosto ang panukalang tax relief package kasama ang mga kaukulang hakbang upang mapunan ang mawawalang kita ng pamahalaan.
Nauna nang sinabi ni House Committee on Ways and Means Chairperson at Marikina City Rep. Romero “Miro” Quimbo na target nina Speaker Dy at House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos na maaprubahan ito ng Kamara de Representantes bago matapos ang Agosto upang maipatupad ang tax relief package simula Enero 1, 2027.
Sa kanyang SONA, binigyang-diin ni Pangulong Marcos, Jr. ang pangangailangang magbigay ng tax relief sa mga manggagawang Pilipino lalo na sa middle class at sinabi niyang isusulong ng pamahalaan ang mga repormang nagsusulong ng paglago ng ekonomiya, nagpapataas ng kita ng pamahalaan at nagpapalawak ng pagkakapantay-pantay tungo sa pangmatagalang kaunlarang pang-ekonomiya at panlipunan.
Nanawagan din ang Pangulo sa Kongreso na ipasa ang panukalang magpapalawak sa saklaw ng income tax exemption at magpapababa sa pasanin sa buwis ng milyun-milyong manggagawang Pilipino.
Kabilang sa panukalang tax package ng Pangulo ang:
– pagtataas ng taunang income tax exemption threshold sa ₱350,000;
– pagpapababa ng income tax rates para sa iba pang manggagawa;
– pagbubukod sa maliliit na negosyo sa pagbabayad ng minimum corporate income tax at
– pagbibigay ng tax amnesty para sa hindi nabayarang income tax, estate tax, donor’s tax, value-added tax (VAT) at mga kaukulang multa.
Nanawagan din ang Pangulo na agad amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang ipagbawal ang paniningil ng system loss* sa mga konsyumer.
“At kung pagbawas ng presyo ang usapan, sa aking palagay panahon na para tanggalin na natin ang system loss na pinapasa sa consumer. Hindi naman kasalanan ng consumer kung bakit nagkaroon ng system loss. Kaya hindi naman tama na kailangan sila pa ang pagbabayarin dito,” ani Pangulong Marcos, Jr.
Sa ilalim ng EPIRA, pinahihintulutan ang mga kumpanya ng distribusyon ng kuryente na ipasa sa mga konsyumer ang system loss charges na sumasaklaw sa parehong technical losses at non-technical losses gaya ng pagnanakaw ng kuryente.
Binigyang-diin ni Speaker Dy na hindi dapat ipapasan sa mga ordinaryong Pilipino ang gastos na dulot ng kakulangan sa sistema o pagnanakaw ng kuryente.
“Hindi po makatarungan na ang mga responsableng nagbabayad ng kanilang kuryente ang siyang sasalo sa gastos ng mga pagkawala sa sistema o ng kuryenteng ninanakaw. Ang dapat lamang bayaran ng bawat pamilya ay ang kuryenteng nagamit talaga nila,” paliwanag ni Speaker Dy.

