Calendar
Pagtanggal ng systems loss charges maagang Pamasko
ITINUTURING ng Chairman ng House Committee on Ways and Means na si Marikina City Rep. Romero “Miro” Quimbo na isang napakagandang regalo at maagang pamasko para sa mga mamamayang Pilipino ang naging anunsiyo ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa kaniyang nakalipas na State of the Nation Address (SONA) kaugnay sa pagtanggal ng system loss charges sa singil sa kuryente kasama na dito ang tax relief.
Ayon kay Quimbo, ang tax relief, sa pamamagitan ng pagtataas ng taunang tax-exempt na kita mula ₱250,000 tungo sa ₱350,000 ay mas maagang makikinabang ang mga manggagawang sumasahod at ang gitnang uri.
“Mga manggagawa, pati middle class ang makikinabang. Nakikita natin na sa ganito kaaga pa lang ay gumagawa na ng hakbang ang Pangulo para mas lumaki ang kanilang net take-home pay, pati mga electric consumers,” ani Quimbo.
Sinabi ni Quimbo na ang ₱100,000 na pagtaas sa tax-exempt na kita ay maituturing na isang dagdag-sahod na hindi nagpapabigat sa mga employer.
Tinataya niyang hindi bababa sa 900,000 pamilya ang makikinabang sa panukalang ito.
“So marami dito na nagbabayad ng buwis ay hindi na magbabayad ng buwis. 900,000 na pamilya na makikinabang kaagad dahil dati may buwis, ngayon effectively wala na,” sabi ng mambabatas.
Ipinaliwanag din ni Quimbo na ang taunang tax-exempt na kita na hanggang ₱250,000 sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na nagsimulang ipatupad noong Enero 1, 2018, ay hindi na sapat dahil marami na ang tumaas ang sahod mula noon kaya napasok na sa income tax bracket.
Binigyang-halimbawa ng kongresista ang mga empleyado ng gobyerno, na taun-taong tumatanggap ng salary adjustments sa ilalim ng programa ng pamahalaan sa pag-upgrade ng sahod.
“Kung dati, halimbawa ang Salary Grade 11 na teacher ay hindi nagbabayad ng buwis, pero dahil sa regular increase na sahod nila, sila ay pumasok na dun sa nagbabayad na ng buwis,” ani Quimbo.
Sinabi rin niya na nais ni Pangulong Marcos na maibalik ang tax regime sa kalagayan nito noong 2018.
“So ang sinasabi ng Pangulo diyan ay ibalik natin sa 2018. Kung ikaw ay itong klaseng guro, ikaw ay ganitong klaseng clerk, ikaw ay ganitong klaseng, ibabalik ka na namin uli sa tax-exempt status,” ani Quimbo.
“Effectively magiging wage increase siya, kasi sabi nga natin hindi mo pinipinsala ang employer pero lalaki ang kanyang net take-home pay. And in fact, practically eliminating yung tax o gawin mong zero para sa ordinaryong manggagawa,” dagdag pa ni Quimbo.
Upang mabawi ang inaasahang mababawas na kita ng pamahalaan dahil sa pagtataas ng tax-exempt na kita, sinabi ni Quimbo na magkakaroon ng karagdagang buwis sa mga vaping products, matatamis na inumin (sugary drinks), plastik, at ilang uri ng mga sasakyang de-motor.

