Pangilinan

2 panukalang pang-agrikultura ni Pangilinan, lusot sa Senado, 21-0

61 Views

INAPRUBAHAN ng Senado sa ikatlong pagbasa ang dalawang panukalang itinaguyod ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan upang palakasin ang mga kooperatiba at extension services para sa mga magsasaka at mangingisda.

Kapwa nakakuha ang Senate Bill No. 1990, o panukalang Agricultural Cooperatives Act, at Senate Bill No. 1991, o panukalang Agricultural and Fisheries Extension Act, ng 21 boto pabor, walang tumutol at walang nag-abstain.

“Pagkain at presyo ng pagkain, itong mga literal na gut issue ang palaisipan ng mga nanay at tatay na doble kayod na nga, ang hirap, pero hirap pa rin sa pag-budget ng kinikita ng pamilya, lalo na sa pang-araw-araw,” sinabi ni Pangilinan sa kanyang paliwanag sa mga panukala.

Layunin ng Senate Bill No. 1991 na palakasin ang national agriculture and fisheries extension system sa pamamagitan ng paglikha sa Bureau of Agricultural and Fisheries Extension.

Sinabi ni Pangilinan na ilalapit ng panukala ang technical support sa mga magsasaka at mangingisda, kabilang ang tulong sa mga paraan ng produksyon, negosyo, pagpoproseso ng produkto, digital technology at pagharap sa epekto ng climate change.

“Sa ngayon, hanggang regional level lang ang Department of Agriculture. Sa third reading passage na ito at maipasa sa House of Representatives, hanggang municipal at barangay level na ang Department of Agriculture. Meron nang mga foot soldiers para matutukan ang suporta sa ating mga magsasaka at mangingisda,” sinabi niya.

Layunin naman ng Senate Bill No. 1990 na likhain ang Bureau of Agricultural and Fisheries Cooperatives at palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka at mangingisda na mag-organisa sa pamamagitan ng mga kooperatiba.

Ayon kay Pangilinan, maaaring makatulong ang mas matatag na mga kooperatiba upang mapalawak ang kanilang access sa puhunan, kagamitan, pagpoproseso, pag-iimbak at mga merkado at makabili ng mga pangangailangan sa pagsasaka nang maramihan.

“There is no hope for food security if we don’t empower the people who produce our food,” sinabi ni Pangilinan.

Aniya, makadaragdag ang dalawang panukala sa Sagip Saka Act, na nagpapahintulot sa mga pambansang ahensiya at lokal na pamahalaan na direktang bumili ng produktong agrikultural mula sa mga magsasaka at mangingisda.

Sinabi ni Pangilinan na tinutulungan ng Sagip Saka ang demand para sa kanilang mga produkto, habang layunin naman ng extension at cooperative measures na mapabuti ang produksyon at mapalakas ang mga organisasyon ng food producers.

“An investment in our farmers and fisherfolk is an investment in the country’s food security. Kapag mas malakas ang pagtatanim at pangingisda, mas matibay ang ating food supply na siyang nagbibigay ng proteksyon sa ating merkado laban sa mga problema tulad ng global fuel crisis at iba pa,” sinabi niya.

Matapos ang pag-apruba ng Senado, ipapadala ang mga panukala sa House of Representatives para sa sariling pagtalakay nito. Kailangang ayusin ang anumang pagkakaiba sa mga bersyon ng Senado at Kamara bago maipadala ang mga panukala sa Pangulo.