Calendar
Patuloy ang pagtanggap ng Office of the Clerk of Court sa mga rekord na may kinalaman sa impeachment trial ni VP Sara Duterte.
Source: Senate PRIB/ Joseph Muego
BIR, 4 na bangko nagsumite ng mga rekord sa Duterte impeachment case
NAGSUMITE nitong Huwebes ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at apat na bangko sa Senate impeachment court ng mga financial records na ipinatawag kaugnay ng kaso laban kay Vice President Sara Duterte.
Sakop ng mga subpoena si Duterte, ang kanyang asawang si Atty. Manases R. Carpio, at 20 tinukoy na entity.
Pagsapit ng alas-12 ng tanghali, natanggap na ng Office of the Clerk of Court ang mga compliance document mula sa BIR, BDO Unibank Inc., Philippine Savings Bank, Metropolitan Bank & Trust Company at Security Bank Corporation.
Sinabi ng korte na patuloy pa nitong tinatanggap ang mga dokumento mula sa iba pang institusyong sakop ng mga subpoena.
Hindi nito isiniwalat ang nilalaman ng mga dokumento o kung nasuri na ang mga rekord.
Naunang nilimitahan ni Presiding Officer Senador Francis “Chiz” Escudero ang paggamit sa mga ito sa pagtatakda ng financial baseline at kapasidad ni Duterte.
“The Court likewise holds that the requested records are sought to establish the Respondent’s financial baseline and capacity, and not to inquire into or prosecute alleged impeachable acts occurring outside the present Articles of Impeachment,” sinabi ni Escudero nang payagan ang subpoena.
Hindi maaaring gamitin ang mga dokumento upang habulin ang mga alegasyong wala sa mga artikulong kasalukuyang nililitis.
Pinayagan ng korte ang pagsusumite ng tax records at peso-denominated bank records nina Duterte, Carpio at ng mga entity na sakop ng mga subpoena.
Hindi isinama ang foreign-currency deposits dahil sa confidentiality protections maliban kung may nakasulat na pahintulot ang depositor.
Ang pagtanggap sa mga rekord ay hindi patunay na may ginawang paglabag sina Duterte, Carpio o alinman sa mga tinukoy na entity.
Wala pang inilalabas na resulta ng pagsusuri sa mga isinumiteng dokumento ang korte pagsapit ng tanghali nitong Huwebes.

