Chua House prosecutor, Manila Rep. Joel Chua

COA susundan pinuntahan ng P612.5M ni VP Duterte

103 Views

ILILIPAT na ng prosekusyon ang pokus nito mula sa pagpapatunay sa pagpapalabas at pag-encash ng P612.5 milyong confidential funds tungo sa pagtukoy kung paano ginamit, niliquidate, at tuluyang naipaliwanag ang paggamit ng naturang pondo.

Ipinaliwanag ni House prosecutor Joel Chua ng Maynila ang susunod na yugto ng kaso matapos tumestigo ang dalawang dating branch manager ng Land Bank of the Philippines (LandBank) hinggil sa pag-encash ng mga tsekeng inilabas para sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

“Ang napatunayan natin kahapon ay nailabas na ang pera. Kaya ngayon, nasa kanilang mga kamay na ito,” ani Chua sa panayam ni Korina Sanchez sa programang Memo ng Bilyonaryo News Channel noong Huwebes.

Ayon sa mga testigo mula sa LandBank, apat na tseke ng OVP na nagkakahalaga ng tig-P125 milyon at tatlong tseke ng DepEd na tig-P37.5 milyon ang na-encash, na may kabuuang halagang P612.5 milyon.

“Ang napatunayan natin kahapon ay ito ang pinagmulan ng pera. Na-establish natin na, una, public fund ito dahil galing ito sa National Treasury. Ibig sabihin, pera ito ng taumbayan,” paliwanag ni Chua.

Kinilala niya sina OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta at DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda bilang mga tumanggap ng kani-kanilang cash release mula sa bangko.

“Sa OVP, ang tumanggap ay ang SDO na si Ms. Gina Acosta. Sa DepEd naman, ang tumanggap ay ang kanilang SDO na si Fajarda,” ani Chua.

Iginiit ni Chua na ang pangunahing pananagutan sa confidential funds ay nasa pinuno ng ahensya at sa itinalagang special disbursing officer.

“Dalawa lang ang dapat na may pananagutan dito. Una, ang head ng agency, na si VP. Pangalawa, ang SDO,” aniya.

Nakatakdang iharap ng prosekusyon ang dalawang testigo mula sa Commission on Audit (COA) upang ipaliwanag ang mga dokumentong isinumite para sa liquidation ng pondo at ang naging resulta ng pagsusuri ng COA sa naturang mga pondo.

“Ang susunod nating ipi-prisinta ay ang COA dahil sila ang magpapaliwanag kung paano ginamit ang pondo, paano ito niliquidate, at saan ito napunta,” diin ni Chua.

“Kasama sila sa usapin ng SDO. Ngunit sa susunod na linggo, ang nakatakdang humarap ay ang dalawang kinatawan ng Commission on Audit,” dagdag pa niya.

Inaasahang mag-uugnay ang nalalapit na testimonya sa mga napatunayang transaksyon sa bangko at sa mga kaugnay na dokumento at mga sinasabing iregularidad na bumubuo sa pinakapuso ng Article 1.