Speaker Dy.

‘LegisHear’ ilulunsad sa Isabela ni Speaker Dy

Mar Rodriguez Jul 30, 2026
90 Views

ILULUNSAD ng Kamara de Representantes ang “LegisHear,” isang programa para sa konsultasyong lehislatibo sa pangunguna ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa Biyernes sa Isabela State University sa Echague, Isabela.

Inihayag ni House Secretary General Atty. Cheloy E. Velicaria-Garafil nitong Huwebes na ang LegisHear ang unang hakbang sa layunin ni Speaker Dy na gawing mas bukas, mas tumutugon at nakasentro sa mamamayan ang Kamara.

Makakasama ni Speaker Dy sina Negros Occidental Rep. Javier Miguel Benitez, mga opisyal ng Isabela State University, mga kinatawan ng mga katuwang na ahensya ng pambansang pamahalaan, mga lokal na opisyal, mga organisasyon ng civil society, mga guro, magsasaka, estudyante, at iba pang kinatawan ng iba’t-ibang sektor.

Kabilang sa mga aktibidad ang town hall meeting, mga talakayang lehislatibo, focus group discussions at mga programang serbisyo publiko.

Sumasalamin ang LegisHear sa bisyon ni Speaker Dy para sa isang “Bagong Kongreso” na hindi naghihintay na ang mamamayan ang lumapit sa Kongreso, kundi ang Kongreso mismo ang lumalapit sa taumbayan.

Sa kanyang mensahe para sa Ikalawang Regular na Sesyon, binigyang-diin ng Speaker na ang Kamara ay dapat na ‘mas makinig, mas tapat na maglingkod, at manatiling may pananagutan sa sambayanang Pilipino.’

“Isinasakatuparan ng LegisHear ang pangakong ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga ordinaryong Pilipino na maging bahagi sa paghubog ng mga batas na nakaaapekto sa kanilang buhay,” sabi ni Sec-Gen. Garafil.

Ang programa ay nakabatay sa paniniwala ng liderato ng Kamara na ang mabubuting batas ay dapat nakaugat sa tunay na karanasan at pangangailangan ng mga Pilipino.

“Ang magagandang batas ay hindi nabubuo nang hiwalay sa mamamayan. Lalong tumitibay ang mga ito sa pamamagitan ng mga karanasan, mithiin, at mungkahi ng mga taong layunin nitong paglingkuran. Sa pamamagitan ng LegisHear, makikinig, matututo, at gagawa ng batas ang Kongreso nang may higit na layunin,” dagdag ni Garafil.

Layunin nitong tipunin ang mga pananaw ng mamamayan hinggil sa mga nakabinbing panukalang batas, suriin ang pagpapatupad ng mga umiiral na batas at programa ng pamahalaan, palakasin ang tungkulin ng Kongreso sa pagbabantay sa implementasyon ng mga batas at gawing bahagi ng proseso ng paggawa ng batas ang aktibong pakikilahok ng publiko sa ilalim ng prinsipyong “Bawat Batas Mahalaga.”

Kasama sa programa ang paghahatid ng mga serbisyong pampubliko sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.

Ayon sa Kamara, ang mga rekomendasyong mabubuo mula sa mga konsultasyon at focus group discussions ay pagsasama-samahin at isusumite bilang mga panukalang polisiya para sa Kongreso at sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.

Inaasahang palalawakin ang “LegisHear” sa iba pang bahagi ng bansa bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng House of Representatives na gawing mas bukas, mas inklusibo, at mas tumutugon sa pangangailangan ng bawat Pilipino ang proseso ng paggawa ng batas.