Calendar
Pagtalakay sa fare increase ng transport groups sinimulang ng talakayin
SINIMULAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtalakay sa mga petisyon para sa taas-pasahe ng limang transport groups.
Kasabay ng nagpapatuloy na deliberasyon, tiniyak ni LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II na isasaalang-alang ang mga pananaw ng iba’t-ibang stakeholder bago maglabas ng pinal na desisyon hinggil sa mga kahilingan para sa fare adjustment.
Saklaw ng mga petisyon ang mga pampasaherong jeepney, bus, UV Express, taxi at motorcycle taxi na inihain ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), Metro Comet Transport Service Cooperative, UV Express National Alliance of the Philippines, United Transportation Coalition of the Philippines, at Manibela.
Ayon kay Chairman Vigor, layunin ng LTFRB na makabuo ng mga fare adjustment na makatarungan para sa sektor ng pampublikong transportasyon habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga commuter at iba pang stakeholder.
Nauna nang inatasan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez ang LTFRB na muling kalkulahin ang nararapat na fare adjustment batay sa mga nakabinbing petisyon.
Sa halip na magpatupad ng pansamantalang fare adjustment, target ng LTFRB na maglabas ng pinal na resolusyon sa lalong madaling panahon.
“Tinitiyak namin sa publiko na ang bawat hakbang ng LTFRB ay magbibigay-balanse sa pangangailangan ng sektor ng pampublikong transportasyon at sa kapakanan ng mga commuter at ng sambayanan,” ani Chairman Vigor.

