Mendoza

Letter of intent sa MTPP accreditation tatanggapin na ng LTFRB

Jun I Legaspi Jul 30, 2026
37 Views

MAGSISIMULA ng tumanggap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng Letter of Intent para sa akreditasyon ng mga Motorcycle Taxi Platform Provider (MTTP) simula sa Agosto 5.

Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na muling bubuksan ang pagtanggap ng aplikasyon para sa pag-isyu ng Provisional Authority to Operate para sa mga motorcycle taxi rider.

Nilinaw ni Chairman Vigor na ang akreditasyon ng mga MTTP at pag-isyu ng Provisional Authority ay ibabatay sa rider cap na itinakda ng Motorcycle Taxi Technical Working Group para sa bawat MTTP.

Wala na ring tatanggaping bagong platform provider dahil ang mga natitirang slot ay nakalaan lamang sa mga kumpanyang naaprubahan na ng Technical Working Group.

“Nagpatupad tayo ng mga hakbang upang maging maayos at maginhawa ang buong proseso para sa motorcycle taxi community,” ani Chairman Vigor.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na paunlarin, gawing makabago at gawing mas propesyonal ang pampublikong transportasyon sa bansa.

Layunin ng LTFRB na matiyak na may maaasahan, ligtas, at komportableng transportasyon ang publiko araw-araw.

Pansamantalang ipinatigil ng LTFRB ang onboarding ng mga bagong ride-hailing service units at riders matapos makumpirma na may ilang platform na tumanggap ng mga driver at rider na lumampas sa itinakdang limitasyon.

Isinusulong ng LTFRB ang digitalization ng mga serbisyo nito upang maging mas mabilis, episyente, at maginhawa ang lahat ng transaksyon para sa sektor ng pampublikong transportasyon.