Tulfo

Pag-alis ng system loss charges isinusulong nina Tulfo, Gatchalian

34 Views

ISINUSULONG nina Sen. Erwin Tulfo at Senate President Sherwin Gatchalian ang pag-alis ng system-loss charges sa singil sa kuryente matapos kilalanin ng mga regulator na kontrolado ng mga distribution utilities ang bahagi ng pagkalugi dahil sa pagnanakaw ng kuryente at mga ilegal na koneksyon.

Hindi dapat pagbayarin ang mga konsyumer para sa kuryenteng hindi naman nila nagamit, ayon kay Tulfo.

Ipinaliwanag ni Tulfo ang pagkakaiba ng technical losses, na likas na nangyayari habang dumadaloy ang kuryente sa mga linya, at non-technical losses na dulot ng pagnanakaw ng kuryente, mga ilegal na koneksyon at pakikialam sa metro.

Inihalintulad niya ang pagpapasa ng gastos sa power theft sa mga konsyumer sa isang tindahang sinisingil ang mga mamimili para sa mga produktong ninakaw ng shoplifter.

Sumang-ayon si Energy Regulatory Commission officer-in-charge Francis Saturnino Juan na may bahagi ng non-technical system loss na kayang kontrolin ng mga distribution utility.

“Opo, we agree to that na itong non-technical system loss, ito may bahagi dito na kontrolado ng ating mga distribution utilities,” sinabi ni Juan.

Maaaring pag-ibayuhin ng mga utility ang pagbabantay sa kanilang distribution systems upang matukoy ang pagnanakaw ng kuryente at mga ilegal na koneksyon.

Ipatutupad ng ERC ang anumang batas na magbabawal sa paniningil ng system-loss charges. Gayunman, kailangang tukuyin ng mga mambabatas kung paano paghahatian ng mga utility at iba pang kalahok sa generation at transmission sectors ang hindi maiiwasang technical losses.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2350, o ang System Loss Charge Abolition Act, upang ihinto ang pagpapasa ng naturang gastos sa mga konsyumer.

“Amid the Philippines’ highest average electricity rates in Southeast Asia in June 2026, removing unjust system loss charges is a concrete step toward lowering power costs,” sinabi ni Gatchalian.

Ang isang household na kumokonsumo ng 200 kilowatt-hours ay nagbayad ng average system-loss charge na P148.95 kada buwan mula Agosto 2025 hanggang Hulyo 2026, o P1,787.38 sa loob ng isang taon hindi pa kasama ang VAT.

Inihain naman ni Tulfo ang Proposed Senate Resolution No. 537 upang imbestigahan ang kasalukuyang patakaran sa paniningil ng system loss.

Inihain din niya ang Senate Bill No. 2340 upang ilibre sa 12-percent VAT ang system-loss charges ng residential consumers at Senate Bill No. 2339 upang pawalang-bisa ang Energy Tax sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 36.

Sinuportahan din ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito ang pag-alis ng system-loss charges at ng VAT na ipinapataw dito.

“Consumers faithfully pay for every kilowatt-hour of electricity they consume. They should not be made to pay for losses arising from outdated infrastructure or operational inefficiency that are entirely beyond their control,” sinabi ni Ejercito.

Sinuportahan din ni Sen. Risa Hontiveros ang panukalang pag-alis ngunit nagbabala na isang bahagi lamang ng electric bill ang system loss.

Sinabi ng National Electrification Administration na karaniwang nasa limang porsiyento ang system loss na nakalagay sa mga bill ng electric cooperatives, bagaman maaaring umabot sa 12 porsiyento ang pinapayagang cap para sa off-grid cooperatives.

Ayon kay NEA Deputy Administrator Rossan Rosero-Lee, ang mga cooperative ang sumasagot sa losses na lampas sa aprubadong cap.