Calendar
File photo ni JONJON C. REYES
Tinanggihan ng House prosecutor ang pagtatangka ni VP Sara na maliitin ang mga pagpatay sa drug war
TINANGGIHAN noong Huwebes ng isang prosecutor ng Kamara ang pagtatangka ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte na maliitin ang mga pagpatay na iniuugnay sa kampanya kontra droga ng dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ayon sa kanya, hindi maaaring ituring na karaniwang krimen lamang ang mga nasabing pagkamatay habang nahaharap sa paglilitis ang dating pangulo sa International Criminal Court (ICC).
Inihayag ito ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon matapos sabihin ni Duterte sa mga mamamahayag sa labas ng ICC sa The Hague na hindi lahat ng mga biktimang tinukoy ng mga prosecutor ng ICC ay napatay dahil sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Ridon, ang mga alegasyong iniharap sa ICC ay sinusuportahan ng malawak na dokumentasyon at hindi dapat binabalewala o minamaliit.
“Kung pag-uusapan ang gun violence at EJKs (extrajudicial killings), alam po ninyo, napakadokumentado ng nilalaman ng reklamo at kaso laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte,” ani Ridon sa isang press conference.
“Hindi po ‘yan dahil lamang may mga nag-away na mag-asawa. Ang mga namatay doon ay namatay dahil umano’y nanlaban sila sa mga alagad ng batas na nagpapatupad ng drug war ni Duterte,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng chairman ng House Committee on Public Accounts na ang bigat ng mga alegasyon ay makikita sa kasalukuyang paglilitis ng ICC.
“Hindi ho mababaw ang dahilan kung bakit siya nakakulong ngayon sa The Hague,” ani Ridon.
“Hindi ho natin papayagan na pababawin ng ating Pangalawang Pangulo ang pagkamatay ng napakaraming Pilipino sa Duterte drug war,” dagdag niya.
Ang dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nahaharap sa paglilitis sa ICC dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay na iniuugnay sa kampanya ng kanyang administrasyon laban sa ilegal na droga.

