Dy

Kamara, tinalakay ang paggawa ng batas, reporma sa bigas at KALINGA Act sa unang LegisHear sa Isabela

Mar Rodriguez Aug 2, 2026
19 Views

PORMAL nang sinimulan ng Kamara de Representantes ang kauna-unahang “LegisHear” sa pamamagitan ng serye ng mga talakayan na naglalayong ipaliwanag sa mga mamamayan ang proseso ng paggawa ng batas at ang epekto ng mahahalagang panukalang batas sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Isinagawa ang inaugural na “LegisHear Town Hall” sa Isabela State University-Echague, kung saan tinalakay ang proseso ng lehislasyon, ang panukalang “KALINGA (Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo at Goods Assistance) Act” at ang mga iminungkahing reporma sa “Rice Tariffication Law”. Sinundan ito ng open forum kung saan malayang nakapagtanong at nakapagbigay ng mungkahi ang mga dumalo sa mga kinatawan ng Kamara.

Kasama rin sa programa ang mga focused group discussion at paghahatid ng mga serbisyo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na layunin ng LegisHear na pakinggan muna ang tinig ng mga mamamayan bago bumuo ng mga batas.

“Ang layunin nito ay makinig sa ating mga mamamayan, lalo na tungkol sa pinakamahahalagang programa at mga magiging batas upang masagot ang kanilang mga pangangailangan,” ani Dy.

Ayon pa sa Speaker, mahalagang maisama ang mga opinyon at karanasan ng publiko upang higit pang mapabuti ang mga panukalang batas na kasalukuyang dinidinig sa Kongreso.

Sa hiwalay na panayam, sinabi rin ni Dy na layunin ng programa na muling suriin ang mga umiiral na batas upang malaman kung alin ang nangangailangan ng pagbabago.

Samantala, ipinaliwanag ni House Secretary General Atty. Cheloy E. Velicaria-Garafil na ang mga paksang tatalakayin sa bawat LegisHear ay ibabatay sa pangunahing pangangailangan at interes ng bawat lalawigan.

Ayon kay Sec-Gen Garafil, dahil pangunahing lalawigang agrikultural ang Isabela, nakatuon ang unang LegisHear sa mga usaping may kaugnayan sa agrikultura, kabilang ang Rice Tariffication Law at KALINGA Act.

Dagdag pa nito, nakikipag-ugnayan muna ang Kamara sa mga lokal na opisyal bago isagawa ang bawat konsultasyon upang matukoy kung anu-anong panukalang batas ang nais maintindihan at mapag-usapan ng mga mamamayan.

Sinimulan ang serye ng mga lektura sa paliwanag ni Dean Cecilio D. Duka hinggil sa buong proseso ng paggawa ng batas, mula sa paghahain ng panukala hanggang sa paglagda rito ng Pangulo.

Tinalakay naman ni Atty. Rene A. Delorino, Director II ng House Committee on Ways and Means, ang House Bill No. 9305 o ang panukalang KALINGA Act. Aniya, layunin nitong magtatag ng permanenteng mekanismo ng pamahalaan upang mabilis na makapagbigay ng tulong sa panahon ng pagtaas ng presyo ng langis at pagkagambala sa suplay ng enerhiya.

Nakatuon ang panukala sa pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na pamilya, manggagawa, magsasaka, mangingisda, transport operators, micro, small and medium enterprises (MSMEs), overseas Filipino workers (OFWs), at iba pang sektor na labis na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.

Samantala, ipinaliwanag ni Noel Flores Fabela, Officer-in-Charge Committee Secretary ng House Committee on Agriculture and Food, ang kasaysayan ng Rice Tariffication Law at ang mga isinusulong na reporma rito.

Ayon kay Fabela, nakatulong ang batas sa pagpapatatag ng suplay ng bigas at sa paglikha ng bilyun-bilyong pondong inilaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ngunit nagdulot din ito ng pagbaba ng presyo ng palay dahil sa pagdami ng imported na bigas.

Tinalakay rin niya ang mga pagbabagong isinabatas sa ilalim ng Republic Act No. 12078 na nagpapataas ng taunang pondo ng RCEF mula ₱10 bilyon tungo sa ₱30 bilyon hanggang 2031 upang mapalawak ang suporta sa mekanisasyon, de-kalidad na binhi, irigasyon, pagsasanay at iba pang programang pang-agrikultura.

Ipinakilala rin ang panukalang Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act na naglalayong higit pang palakasin ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng paglikha ng National Food Security Council, pagpapalawak ng tungkulin ng National Food Authority (NFA), pagprotekta sa mga lupang sakahan ng palay, at pagpapahusay sa mekanismo ng suporta sa presyo ng palay.

Nagtapos ang unang araw ng LegisHear sa mga talakayan ng iba’t ibang sektor at direktang pakikipag-ugnayan ng mga residente sa mga ahensiya ng pamahalaan upang mailahad ang kanilang mga hinaing at mungkahi na maaaring makatulong sa pagbuo ng mas epektibong mga batas.