Calendar
Paggamit ng confi funds dapat sunod sa mga tuntunin sa accounting, auditing — Wamil
BINIGYANG-DIIN ni Commission on Audit (COA) auditor Roderick Wamil na dapat sumailalim sa mahigpit na pagsunod sa mga tuntunin sa accounting at auditing ang paggamit ng confidential funds dahil ito ay pera ng taumbayan at may panganib na magamit sa maling paraan.
Ito ang pahayag ni Wamil sa kanyang testimonya noong Lunes sa harap ng Senate Impeachment Court.
Si Wamil ay testigo ng House prosecution kaugnay ng Article I ng impeachment complaint. Nagsilbi siya sa Intelligence and Confidential Fund Audit Office (ICFAO) ng COA, kung saan siya ang nagsagawa ng audit sa liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
“We follow strict compliance since what is involved ay public funds, so dapat strict ’yung accounting and auditing rules to prevent ’yung misuse ng fund,” paliwanag ni Wamil.
Sa pagtatanong ni House private prosecutor Atty. Lorna Kapunan, ipinaliwanag ni Wamil ang saklaw ng ginagawang pagsusuri ng ICFAO.
Ayon pa kay Wamil, ang post-audit ay isinasagawa matapos mailabas ang pondo upang tiyaking ang lahat ng ginastos ay may sapat na dokumento at sumusunod sa umiiral na batas, mga patakaran, at regulasyon.
Mahigit 11 taon nang naninilbihan si Wamil sa COA at naging bahagi ng ICFAO mula Setyembre 2014 hanggang Pebrero 2024.
Tinukoy rin niya ang Joint Circular No. 2015-01 bilang pangunahing batayan ng ICFAO sa pag-audit ng confidential at intelligence funds.
Ang naturang circular ay magkatuwang na inilabas ng COA, Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), at Governance Commission for Government-Owned or Controlled Corporations (GCG).
Nang tanungin kung substantial compliance o strict compliance ang hinihingi ng mga patakaran, malinaw ang sagot ni Wamil: “Strict compliance po, ma’am.”
Ipinaliwanag din ni Wamil na nililimitahan ng Section 4.8 ng Joint Circular ang paggamit ng confidential funds sa mga partikular na layunin lamang, kabilang ang pagbili ng impormasyong may kaugnayan sa pambansang seguridad at kapayapaan, pagrenta ng sasakyan para sa confidential operations, pagpapatakbo ng safe houses, pagbili ng kagamitan para sa mga operasyon, at pagbibigay ng gantimpala sa mga kwalipikadong impormante na hindi empleyado ng gobyerno.
Sinabi niya na maaari lamang bigyan ng reward ang isang impormante kung may pahintulot ng pinuno ng ahensiya, may sapat na dokumentasyon ng matagumpay na intelligence gathering o surveillance, at may direktang kaugnayan ito sa isang partikular na confidential operation.
Samantala, ipinagbabawal naman ng Section 4.11 ng Joint Circular ang paggamit ng confidential funds para sa sweldo, overtime pay, allowances, fringe benefits, representation, consultancy, entertainment expenses, at maging sa pagtatayo o pagbili ng mga gusali o iba pang estruktura, maliban kung pinahihintulutan ng batas.
Iniharap ng House prosecution si Wamil upang kilalanin at patotohanan ang mga audit records na sumasaklaw sa P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President mula ikaapat na quarter ng 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023, gayundin ang P112.5 milyong confidential funds ng Department of Education para sa unang tatlong quarter ng 2023.

