Wamil COA auditor Benjamin Wamil Kuha ni JOSEPH MUEGO

COA auditor: OVP di sumunod sa regulasyon sa paggamit, liquidation ng confidential funds

34 Views

NATUKLASAN ng auditor ng Commission on Audit (COA) na nagsuri sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) ang ilang hindi pagkakatugma at paglabag sa mga umiiral na regulasyon sa mga liquidation report na isinumite ng OVP.

Sa kanyang testimonya sa Senate Impeachment Court, sinabi ni COA auditor Benjamin Wamil na may mga pagkakataong hindi sumunod ang OVP sa mga itinakdang alituntunin ng COA kaugnay ng paggamit ng confidential funds.

Ayon kay Wamil, na dating kabilang sa COA Intelligence and Confidential Fund Audit Office (COA-ICFAO), kinakailangang mahigpit na sundin ang Joint Circular 2015-01, na nagtatakda ng mga gabay sa pagkakaloob, pagpapalabas, paggamit, pag-uulat, at pag-audit ng confidential at intelligence funds.

Sa physical and financial plan na inaprubahan ng OVP noong Disyembre 13, 2022, napansin ni Wamil na hindi tinukoy ng tanggapan ang mga partikular na confidential activities kung saan gagamitin ang confidential funds.

“Hindi ito sumusunod sa Joint Circular dahil sa unang kolum para sa mga programa, aktibidad, at proyekto, hindi inilahad ng OVP ang mga tiyak na confidential activities na paggagamitan ng confidential funds, gaya ng hinihingi sa Item 4.2 ng Joint Circular,” ani Wamil.

Ipinaliwanag niya na kinakailangang ilahad ng ahensya o tanggapan ang halagang nakalaan para sa bawat programa at aktibidad dahil ito ang magiging batayan sa pagpapalabas ng confidential funds.

Ayon pa sa auditor, hindi rin tumutugma ang inaasahang resulta at physical targets ng OVP sa anumang partikular na confidential activities na nakasaad sa kanilang inaprubahang physical and financial plan, sapagkat wala namang espesipikong confidential activities na nakalista.

Sa disbursement voucher na may petsang Disyembre 20, 2022, sinabi ni Wamil na nakasaad na ang cash advance ay para sa calendar year 2022, na hindi rin alinsunod sa Joint Circular.

Ipinaliwanag niya na dapat malinaw na nakasaad sa disbursement voucher ang tagal ng implementasyon ng proyekto. Dahil ang cash advance ay para lamang sa ikaapat na quarter ng 2022, mali umano ang paglalagay na ito ay para sa buong calendar year 2022.

Sa liquidation report naman, nakasaad na ang sakop na panahon ay mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022, kahit ang cash advance ay para umano sa buong ikaapat na quarter ng taon.

“Napansin ko na ang cash advance, batay sa physical and financial plan, ay para sana sa buong fourth quarter ng 2022, ngunit batay sa dokumentong ito, na-disburse lamang ito mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022, o humigit-kumulang 11 araw,” paliwanag ni Wamil.

Tungkol naman sa paggamit ng confidential funds, sinabi ni Wamil na dapat malinaw na isa-isahin ng OVP ang mga partikular na confidential activities na pinaglaanan ng pondo.

Napansin din niya na may ilang gastusing isinama bilang confidential expenses na hindi kabilang sa mga pinapahintulutang gastusin sa ilalim ng Joint Circular.

Kabilang dito ang pagbibigay ng medical at food aid na nagkakahalaga ng ₱40 milyon, at ang pagbabayad ng incentives para sa mga biyaheng may kaugnayan umano sa confidential operations na umabot sa ₱10 milyon.

Ayon kay Wamil, malinaw na nakasaad sa Joint Circular ang mga eksklusibo at pinapahintulutang gastusin, kaya’t doon lamang maaaring gamitin ang confidential funds.

Maging ang sinasabing pagbabayad ng rewards ay walang kalakip na dokumentong nagpapatunay sa tagumpay ng information gathering o surveillance activities batay sa impormasyong ibinigay ng isang informer, gaya ng hinihingi ng Joint Circular.

“Matapos kong suriin ang mga dokumento at mapansing hindi ito sumusunod sa mga rekisito ng Joint Circular 2015-01, naghanda ako ng isang Audit Observation Memorandum na isinumite ko sa aking division chief para sa pagsusuri,” ani Wamil.

Nagpadala rin ang COA ng nakasulat na abiso sa mga accountable officers ng OVP hinggil sa mga natuklasang isyu, kasama ang isang notice na nag-uutos sa kanila na magsumite ng kanilang paliwanag.