Barbers

Testimonya ng ex-COA officer nagpatibay sa maling paggamit ng P612M OVP confi funds–Barbers

Mar Rodriguez Aug 3, 2026
34 Views

IPINAHAYAG ni House prosecution spokesperson at impeachment adviser Robert “Ace” Barbers na nagpatibay ang testimonya ni dating Commission on Audit (COA) officer Roderick Wamil sa alegasyon na maaaring nagkaroon ng maling paggamit sa bahagi ng P612.5 milyong confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Ayon kay Barbers, binigyang-diin ni Wamil sa kanyang pagharap sa Senate Impeachment Court ang umano’y mga kakulangan sa liquidation at dokumentasyon ng mga gastusin kaugnay ng naturang pondo.

Bagama’t maaaring manatiling lihim ang partikular na layunin ng confidential fund operations dahil sa usaping seguridad, ang pagbili ng mga kagamitan at serbisyo, mga kaugnay na transaksyon, at pagsusumite ng liquidation report ay kailangan pa ring sumunod sa mga alituntunin ng pamahalaan sa pag-audit.

“Maaaring confidential ang layunin ng paggamit ng confidential funds ng gobyerno, pero ang paggamit nito, mga transaksyon at liquidation ay dapat pa ring sumunod sa mga patakaran ng COA,” sabi ni Barbers batay sa testimonya ni Wamil.

Sa pagdinig, ipinaliwanag ni Wamil ang pagkakaiba ng isang kumpidensiyal na operasyon at ang mga binibiling kagamitan o serbisyong sinisingil sa confidential funds.

Ayon pa kay Barbers, sinabi ni Wamil na nakakita ang mga state auditor ng umano’y kakulangan sa dokumentasyon na sumusuporta sa ilang bahagi ng paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, kabilang ang mga acknowledgment receipt at iba pang liquidation records.

Idinagdag ni Barbers na sinuri rin ng mga auditor ang iniulat na mabilis na liquidation ng malalaking halaga ng confidential funds sa loob lamang ng maikling panahon.

Binigyang-diin ni Barbers na ang confidential funds ay maaari lamang gamitin sa mga layuning pinahihintulutan ng umiiral na mga patakaran at ang pagsunod dito ay sinusuri batay sa mga dokumentong isinusumite sa mga auditor.

Tinukoy din ni Barbers ang testimonya ni Wamil hinggil sa accomplishment report ng OVP na isinumite sa COA Intelligence and Confidential Fund Audit Office. Nakapaloob umano sa naturang dokumento ang lagda ni Vice President Sara Z. Duterte sa ilalim ng nakasulat na “Approved by.”

“Ibig sabihin po nito, ang lumagda o ang Bise Presidente ay inaprubahan ang nilalaman ng accomplishment report,” pahayag ni Wamil.

Ayon kay Barbers, sinabi rin ni Wamil na hindi nakasaad sa accomplishment report ang mga partikular na confidential activities na isinagawa umano ng OVP, kaya naging mahirap para sa mga auditor na matukoy kung ang mga gastusin ay kabilang sa mga pinapayagang paggamit ng confidential funds sa ilalim ng COA-DBM Joint Circular No. 2015-01.

“Napansin po na hindi po in-enumerate ng Office of the Vice President ang kanilang specific confidential activities na kanilang ginawa,” ani Wamil.

Tinukoy rin ng prosekusyon ang isa pang certification ng OVP na may lagda ni Bise Presidente Duterte sa ilalim ng salitang “Attested.”