Luistro

VP Sara, bilang pinuno ng ahensya, pangunahing may pananagutan sa confi funds — Luistro

64 Views

NANANATILING pangunahing may pananagutan si Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte, bilang pinuno ng Office of the Vice President (OVP) at dating kalihim ng Department of Education (DepEd), sa pangangasiwa ng confidential funds, anuman ang maging testimonya ng kanyang mga dating special disbursing officers (SDOs) sa harap ng Senado na nagsisilbing Impeachment Court.

Ito ang iginiit ni Batangas Representative at lead prosecutor Gerville “Jinky Bitrics” Luistro noong Huwebes.

Binanggit ni Luistro ang testimonya ni Commission on Audit (COA) State Auditor Roderick Wamil, na nagsabi sa impeachment court na sa ilalim ng COA-Department of Budget and Management (DBM) Joint Circular No. 2015-01, kabilang ang pinuno ng isang ahensya sa mga pangunahing may pananagutan sa paggamit at pamamahala ng confidential funds.

“Kahit magbago pa sila ng testimonya, malinaw ang naging posisyon ng state auditor na ang head of the agency ay nananatiling isa sa mga principally accountable parties,” ani ni Luistro sa isang online press briefing.

“Iniutos man o hindi, maliwanag ang probisyon ng Joint Circular na nananatiling principally liable ang head of agency,” dagdag pa niya.

Ginawa ni Luistro ang pahayag bago ang inaasahang pagtestigo nina dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta at dating DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda, na inaasahang ihaharap ng prosekusyon bilang mga hostile witness.

“Apparently, they are considered as hostile witnesses. Hostile because they are attached, associated, and perhaps part ng mga naging proseso nitong alleged incidents in the Articles of Impeachment,” ani ni Luistro.

Ayon sa chairperson ng House Committee on Justice, mahalaga ang magiging testimonya ng dalawang saksi dahil bilang mga special disbursing officer, sila ang direktang humawak sa confidential funds.

“Bilang SDO, sila talaga ang dapat na pinakanakaaalam kung ano ang nangyari sa mga pondong ito ng bayan. Kaya napakahalaga ng kanilang mga sinumpaang salaysay sa impeachment trial na ito,” ani niya.

Umaasa rin si Luistro na mananatiling pareho ang kanilang mga testimonya sa mga sinumpaang salaysay na ibinigay nila noon sa imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong ika-19 na Kongreso.

“Kaya sana maging consistent sila sa kung ano ang nasabi na nila noon,” aniya.

“Hindi ko maiintindihan kung pagkatapos ng malinaw nilang paglalahad ng mga pangyayari sa pagdinig ng Committee on Good Government ay bigla na lamang mababago ang kanilang kuwento.”

Sa isinagawang pagdinig ng Kamara, tumestigo si Acosta na matapos niyang i-encash ang confidential funds ng OVP, iniabot niya ang pera kay dating OVP security officer Col. Raymund Dante Lachica alinsunod sa utos ni Duterte.

Gayundin, sinabi ni Fajarda na matapos niyang i-encash ang confidential funds ng DepEd, ibinigay niya ang salapi kay dating DepEd security officer Col. Dennis Nolasco batay rin sa utos ni Duterte noong ito pa ang kalihim ng edukasyon.

Kapwa rin sinabi ng dalawang SDO na hindi sila mismo ang namahagi ng confidential funds sa mga nakatalang tumanggap nito dahil ang mga security officer ang siyang nangasiwa sa pamamahagi.

Ang kanilang inaasahang testimonya ay kasunod ng pagtestigo ng dalawang dating department manager ng Land Bank of the Philippines, na nagsabing sina Acosta at Fajarda ang nag-encash ng kabuuang ₱612.5 milyon na confidential funds.

Ayon kay dating Land Bank Shaw Boulevard branch department manager Violeta Constantino, nag-encash si Acosta ng apat na Treasury checks na nagkakahalaga ng ₱125 milyon bawat isa, o kabuuang ₱500 milyon, para sa OVP mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023.

Samantala, sinabi ni dating Land Bank DepEd branch department manager Nenita Camposano na nag-encash naman si Fajarda ng tatlong Treasury checks na nagkakahalaga ng ₱37.5 milyon bawat isa, o kabuuang ₱112.5 milyon, para sa DepEd sa parehong panahon.

Kalaunan ay kinilala ni Wamil sina Acosta at Fajarda bilang mga special disbursing officer na responsable sa liquidation ng naturang confidential funds.

Tumestigo rin siya na ang liquidation reports at disbursement vouchers ng OVP at DepEd ay kapwa may pag-apruba ni Duterte bilang pinuno ng ahensya.

Binanggit din niya ang mga naging audit findings na kinabibilangan ng mga reward payment na walang sapat na suportang dokumento, mga gastusing hindi pinahihintulutan sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01, at kawalan ng mga dokumentong nagpapatunay na naging matagumpay ang mga confidential o intelligence operations.