Calendar
Apela vs eviction na walang bond pasado sa ikalawang pagbasa
MAAARING makapag-apela ang mga walang sariling bahay na nahaharap sa pagpapalayas ng hindi nagpo-post ng bond sa panukalang inaprubahan ng Senado sa ikalawang pagbasa.
Layunin ng Senate Bill No. 70 na amyendahan ang Section 28 ng Republic Act No. 7279, o Urban Development and Housing Act of 1992.
Isinulong ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang panukalang inakda ni Sen. Rodante Marcoleta.
“Magandang hakbang ito para sa ating mga kababayan. Ibig sabihin po nito, dahil sa ating isinulong na amendment, hindi mawawalan ng pagkakataong umapela ang mahihirap nating kababayan kahit wala silang kakayahang magbayad ng bond,” sinabi ni Escudero.
Ang supersedeas bond ay bayad na hinihingi ng korte upang mapigil ang pagpapatupad ng eviction order habang nakabinbin ang apela.
Kailangang magsumite ang mga humihiling ng exemption ng patunay na sila ay indigent at homeless sa loob ng appeal period.
Dapat itong suportado ng social case study report na inihanda ng city o municipal social welfare office.
Inaprubahan din ng Senado ang amyendang iminungkahi ni Sen. Erwin Tulfo bago isinara ang period of individual and committee amendments.
Dahil dito, inihanda ang panukala para sa ikatlo at pinal na pagbasa.

