Calendar
50% party list allocation sa mga grupong pang pulitika ayaw ni Sotto
KWINESTYON ni Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III ang panukalang ilaan ang kalahati ng party-list seats sa mga national at regional political organization.
Inihayag ni Sotto ang kanyang pag-aalinlangan sa interpellation sa Senate Bill No. 2090 under Committee Report No. 57, o Party-List Reform Act.
“By reserving 50% of available seats for national and regional parties… does this provision not dilute the original intention of the framers of the Constitution na marginalized sector talaga ang gusto nilang bigyan ng representation sa party-list?” tanong ni Sotto.
Iminumungkahi ng Section 11 ng panukala na hatiin ng pantay ang available seats sa national at regional political party organizations at sectoral party-list organizations.
Sinabi ni Sotto na maaaring mabawasan ng naturang allocation ang mga puwestong mapupunta sa labor, peasants, fisherfolk at urban poor.
Ayon kay Sotto, lumihis ang mga sumunod na interpretasyon ng batas sa layunin ng mga orihinal na sponsor nito.
Sinabi naman ni Sen. Risa Hontiveros, sponsor ng panukala, na layunin din ng party-list system na bigyan ng puwesto sa gobyerno ang mga political group na organisado batay sa partikular na ideolohiya.
Inilaan ng Konstitusyon ang kalahati ng party-list seats sa sectoral groups sa unang tatlong magkakasunod na termino matapos itong pagtibayin.
Ayon kay Hontiveros, layunin ng proposed 50-50 division na mabigyan ng puwesto ang sectoral groups at political organizations.
Nanindigan si Sotto na hindi dapat garantiyahan ang national at regional political groups ng kalahati ng available seats.
“I think we must go back to the drawing board and find a better position or better number as far as this Section 11 is concerned,” sinabi niya.
Hinimok din ni Sotto ang Senado na ilagay sa hiwalay na panukala ang mga restriksyon laban sa political dynasties.
“Concentrate natin sa party-list, huwag natin lagyan ng anti-political dynasty provisions. There should be a different law for that,” sinabi niya.
Sinabi ni Hontiveros na iminumungkahi ng panukala ang disqualification ng ilang government contractors at mga kamag-anak ng incumbent elected officials sa paglahok sa party-list system.
Sinabi ni Sotto na ihahain niya ang kanyang mga amyenda sa period of amendments.

