Atty. Amando Atty. Amando Virgil Ligutan, abogado ng House panel of prosecutors

Prosecution humihingi ng paliwanag sa mga tumanggap ng confidential funds ni VP Sara

55 Views

HINAMON ng House prosecution panel nitong Huwebes ang kampo ni Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte na ipaliwanag ang pagkakakilanlan ng mga indibidwal na nakalista bilang mga tumanggap ng confidential funds, dahil hanggang ngayon ay wala pa umanong malinaw na paliwanag kung ang mga kontrobersyal na pangalang nakasaad sa mga acknowledgment receipt ay tumutukoy sa mga tunay na tao o mga alias lamang.

Ayon kay Atty. Amando Virgil Ligutan, abogado ng House panel of prosecutors, kahit pa igiit na ang mga pangalang iyon ay mga alias, kailangan pa ring maipaliwanag kung bakit may mga lagda ang mga acknowledgment receipt.

“Kung alias po ‘yung pangalan, eh ba’t may pirma? Kung alias ‘yung ginagamit ninyong pangalan ng recipient, eh ba’t may pirma? Ano ibig sabihin nun? Yung pirma ba, alias din?,” ani ni Ligutan sa isang online press briefing.

Ang mga pangalan ay nakalista sa mga acknowledgment receipt na isinumite bilang bahagi ng liquidation ng ₱612.5 milyong confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023.

Unang lumutang ang mga pangalang ito sa isinagawang imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong 2024 hinggil sa paggamit ng confidential funds.

Binanggit ng prosekusyon ang mga sertipikasyong inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasabing walang katumbas na birth records ang ilan sa mga nakalistang pangalan. Tinukoy rin nila ang resulta ng pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagsasabing may ilang acknowledgment receipt na ang mga lagda ay tila isinulat lamang ng iisang tao.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial noong Miyerkules, muling kinuwestiyon ng ilang senador-hukom ang pagkakakilanlan ng mga nakalistang tumanggap ng pondo, kabilang ang mga kontrobersyal na pangalang “Mary Grace Piattos” at “Andy Lim.”

Ayon kay Ligutan, wala pa ring pahayag ang kampo ng Bise Presidente kung ang mga pangalang ito ay tunay na tao o mga alias lamang.

“Kailanman po ay hindi po sinabi at wala pa pong sinasabi ang Vice President o ang kampo niya kung alias ba ‘yan o totoong tao,” aniya.

Aniya, inaasahan ng publiko na ang mga acknowledgment receipt na ginagamit sa liquidation ng pondo ng bayan ay naglalaman ng tunay na pangalan ng aktuwal na tumanggap ng pera.

“Ang default na inaasahan ng taumbayan, dapat tama, totoong pangalan ng totoong tao ang nakasulat sa isang acknowledgment receipt o resibo,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., legal spokesperson at counsel ng House prosecution, na hanggang ngayon ay hindi pa rin tinutugunan ng depensa ang isyu maging sa kanilang sagot sa Articles of Impeachment at sa kanilang mga tugon sa mga Audit Observation Memoranda at Notices of Suspension ng Commission on Audit (COA).

“Hanggang ngayon, wala pang malinaw na posisyon ang depensa diyan,” ani Tolosa.

Binanggit din niya na diretsahang tinanong ni Senator-Judge Bam Aquino ang depensa sa pagdinig noong Miyerkules kung ang mga pangalang tulad ng “Mary Grace Piattos” ay mga alias lamang.

“Wala kahit sa answer nila sa Articles of Impeachment, hindi rin nila sinagot ‘yung issue na ‘yan,” aniya.

“Sa ngayon, kung wala silang ganoong pahayag, ang presumption natin ay totoong tao ang mga iyon.”

Sinabi ni Tolosa na hihintayin ng prosekusyon kung igigiit ng depensa, sa oras na magsimula itong magpresenta ng ebidensiya, na ang mga pangalang nasa acknowledgment receipt ay mga alias lamang.

“Kung biglang sasabihin nila na aliases pala ang mga ‘yan, marami pa ring katanungan diyan na kailangan nilang sagutin,” aniya.

Ayon naman kay Batangas Representative at lead prosecutor Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, higit na mahalagang usapin ang pananagutan ng mga opisyal sa paggamit ng pondo ng bayan.

“Alias man o totoong pangalan, dapat ang public officials ay may maipaliwanag at maipakita kung paano ginamit ang pondo ng taumbayan,” ani Luistro.

“Para sa akin, hindi isyu kung totoong pangalan o alias man. Ang mahalaga ay kayang i-account ng mga opisyal na pinagkatiwalaan ng pondo ng bayan ang bawat pisong ginastos.”

Binigyang-diin pa ng chairperson ng House Committee on Justice na malinaw sa Konstitusyon na ang lahat ng opisyal ng pamahalaan ay may pananagutan sa lahat ng pagkakataon sa paggamit ng pondo ng bayan, kabilang ang confidential funds na ipinagkatiwala kay Duterte bilang Bise Presidente at dating Kalihim ng Edukasyon.

“At bahagi ng pananagutang iyan ang confidential funds na ipinagkatiwala sa ating Bise Presidente bilang Vice President at bilang Secretary noon ng Department of Education,” ani Luistro.