Calendar
Barbers: Ipinapakita ng pagbawi ng 4 na “Maleta Boys” na “pawn” sila sa paninira vs matataas na opisyal at House prosecutors
SINABI noong Biyernes ni House trial spokesperson at impeachment adviser Ace Barbers na ang desisyon ng apat na bodyguard na kilala bilang “Maleta Boys” na bawiin ang kanilang mga naunang alegasyon kaugnay ng umano’y bilyun-bilyong pisong kickback sa mga flood control project ay nagpapakita na ginamit lamang sila bilang mga “pawn” o kasangkapan sa isang planadong kampanya upang siraan ang matataas na opisyal ng pamahalaan at ang mga miyembro ng House prosecution panel na humahawak sa impeachment case laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
Si Barbers, dating lead chair ng House Quad Committee at dating chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, ay nagsabing posibleng nagtulak sa apat na bawiin ang kanilang mga pahayag ang kanilang konsensya at ang kabiguang tuparin ng mga nagrekrut sa kanila ang umano’y ipinangakong seguridad at malaking halaga ng salapi.
“Malinaw na ipinapakita ng kanilang pagbawi na may naghanda ng isang script at ginamit sila upang magpakalat ng maling mga alegasyon laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan at mga miyembro ng House prosecution panel,” ani Barbers, dating kongresista at gobernador ng Surigao del Norte.
Nang tanungin kung pinatatatag ba ng mga pagbawi ang kredibilidad ng House prosecution panel, sinabi ni Barbers:
“Oo, pinapalakas nito ang kredibilidad ng prosekusyon. Ang pagbawi ay nagpapakita na may nagdikta at nag-udyok sa kanila na magsinungaling, at ito ay isang sadyang pag-atake para siraan ang impeachment process.”
Dagdag pa niya:“Malamang konsensya at napakong pangako ang dahilan ng pagbawi nila.”
Sa mga bagong notarized affidavit, pormal na binawi ng apat na dating Marine ang lahat ng kanilang pahayag na nag-uugnay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at iba pang personalidad sa umano’y panunuhol at pamamahagi ng salapi.
Ayon sa apat, ni-recruit sila ng kanilang legal handler na si Atty. Levito Baligod, na umano’y nangakong bibigyan sila ng malaking kabayaran. Sinabi ni Rosebert Macasasa Waupan, isa sa mga nagbawi ng salaysay, na pinangakuan silang bibigyan ng sapat na pera upang masuportahan ang kanilang mga pamilya sa loob ng dalawang taon.
Sa panayam ng GMA News, sinabi rin ng apat na hindi sila ang gumawa ng kanilang orihinal na mga affidavit. Sa halip, pinapirma lamang umano sila sa mga nakahanda nang dokumento sa Office of the Ombudsman at tinakot na sasampahan ng iba’t ibang kaso kung tatanggi silang lumagda.
Sa kanyang affidavit, sinabi rin ni Waupan na kabilang umano sina dating Congressman Mike Defensor at Senador Rodante Marcoleta sa mga inaasahang titiyak na magiging maayos ang operasyon ng grupo.
Nagsimula ang kontrobersiya ng “Maleta Boys” noong unang bahagi ng 2026 nang magpakilala ang 18 lalaki, karamihan ay dating Marines, na nagsasabing nagsilbi silang tagapaghatid ng pera sa isang umano’y political bribery network. Kalaunan, naging sentro ng matinding pagsusuri ang kanilang mga alegasyon.
Bago bawiin ng apat ang kanilang mga pahayag, inaprubahan na ng Department of Justice (DOJ) ang 10 criminal informations laban sa lahat ng 18 miyembro ng grupo at kay Atty. Baligod sa apat na korte sa Metro Manila. Kabilang dito ang anim na bilang ng cyber libel at apat na bilang ng perjury.
Sa panayam ng GMA News, sinabi ng apat na inabot sila ng dalawang buwan bago nagpasiyang bawiin ang kanilang mga alegasyon dahil sa pangambang malagay sa panganib ang kanilang mga pamilya. Inihayag din nila na ilan sa natitirang 14 na miyembro ng grupo ang nagbabalak ding magsumite ng sarili nilang affidavit of retraction.
Ayon kay Barbers, na siya ring kabilang sa mga pinangalanan sa orihinal na alegasyon, pinagtitibay ng mga pagbawi ang kanyang paniniwalang ang pagharap ng grupo sa publiko, sa pangunguna ni Atty. Baligod noong press conference noong Pebrero 24, 2026 sa San Juan City, ay bahagi ng isang minadaling plano upang guluhin ang pamahalaan.
“Pinatutunayan ng mga pagbawi ang ilang mahahalagang bagay: mali ang mga alegasyon, pinangakuan ang mga kalahok ng malaking halaga ng pera, napilit silang lumagda sa mga inihandang affidavit at iba pang dokumento, at marami—kung hindi man lahat—sa kanila ay pinag-iisipan nang bawiin ang kanilang mga pahayag,” ani Barbers.

