Tulfo

Tulfo: Inaasahan kong babawi ang ilang ‘Maleta Boys’

51 Views

SINABI ni Senator Erwin Tulfo na inaasahan na niyang babawi sa kanilang mga naunang pahayag ang ilang miyembro ng tinaguriang “maleta boys.”

Tinanong sa Office of the Ombudsman tungkol sa iniulat na pagbawi sa mga naunang pahayag, sinabi ni Tulfo: “I don’t know. Pero ako, expected ko na magre-recant sila because talagang from the very start, alam naman lahat ng tao na those stories that they’re making it up,” aniya.

Sinabi niyang tila may kasamang abogado ang grupo sa Ombudsman at tinukoy niya si Atty. Levi Baligod.

“May kasama yata silang abogado rito, kasama nila si Atty. Baligod. Suddenly, umatras po sila,” sinabi ni Tulfo.

Sinabi rin niyang unang nagsumite ang grupo ng isang affidavit bago gumawa ng magkakahiwalay na affidavit ang mga miyembro nito.

“Dati, isang affidavit lang sila. Ngayon, talagang isa-isa silang gumawa ng affidavit nila,” aniya.

Ipinahiwatig din ni Tulfo na maaaring nagtulak sa kanila na pag-isipang muli ang kanilang mga naunang pahayag ang mga reklamong isinampa laban sa mga miyembro ng grupo.

“Kasi kung talagang totoo iyong sinasabi nila, hindi siguro ganoon karaming demanda ang aabutin nila. Halos lahat na binanggit nila nagdemanda, including myself. Doon siguro sila nag-isip,” aniya.

Iginiit din niyang hindi humarap sa city prosecutor’s office ang mga pinangalanan sa reklamong isinampa niya sa Pasay.

“Just to clarify, iyong finile namin sa Pasay, hindi po sila nag-appear. Ilang beses nang sinabi ng Pasay fiscal office, nobody’s appearing,” sinabi ni Tulfo.