Blue Ribbon palalawakin ang probe sa substandard na kalsada, tulay—Tulfo

14 Views

PALALAWAKIN ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon nito mula sa mga isyu sa flood control upang isama ang mga kalsada, tulay at iba pang public works ng gobyerno na umano’y hindi nakasunod sa mga pamantayan sa konstruksyon, sinabi ni chairman Senador Erwin Tulfo nitong Linggo.

Sinabi ni Tulfo na isa-isang susuriin ng komite ang mga proyekto habang nakikipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways at iba pang kaugnay na ahensya.

“Bukod sa mga bagong pangalan at isyu na may kaugnayan sa anomalya sa flood control, iimbestigahan din natin ang mga substandard na proyekto. Ang mga tulay, kalsada, at iba pang pampublikong pasilidad na malinaw na hindi sumunod sa mga pamantayan—iimbestigahan natin iyan isa-isa,” pahayag ni Tulfo sa isang panayam sa radyo.

Iniuugnay ni Tulfo sa posibleng korapsyon ang mga proyektong nabigyan ng pondo ng gobyerno ngunit hindi natapos o hindi umano nakasunod sa itinakdang pamantayan.

“Halatang may korapsyon diyan dahil binigyan ka ng pera o budget para sa mga proyektong iyan pero di natatapos o di kaya naman substandard,” dagdag niya.

Binanggit ni Tulfo ang pagguho ng isang malaking retaining wall sa EDSA-Ayala northbound sa Makati City matapos ang sunod-sunod na bagyo. Nabara ang dalawang linya ng kalsada at naapektuhan ang daloy ng trapiko.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, ang gumuhong bahagi ay gawa sa magaan na hardiflex sa halip na matibay na semento.

Sinabi ni Tulfo na magpapatuloy ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa flood-control issue habang sinusuri rin ang iba pang proyekto ng gobyerno na posibleng hindi nakasunod sa mga pamantayan.

Aniya, maaari ring palawakin ang flood-control probe kapag may lumitaw na mga bagong impormasyon at pangalan.

Si Tulfo, na naging vice chairman ng Blue Ribbon Committee bago naging chairman, ay nagsabing mangangalap ang komite ng ebidensya at susunod sa mga alituntunin ng komite at sa batas sa pagsasagawa ng mga imbestigasyon.

“Matagal nang pinahihirapan ng korapsyon ang ating bansa. Magiging mahigpit kami sa pagkalap ng mga matitibay na ebidensya at gagawin namin ito nang ayon sa mga alituntunin ng komite at ng batas,” ani Tulfo.