Calendar
PRA probe baka humantong sa forfeiture sa reclaimed land sa Taguig–Lacson
SINABI ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na kumikilos ang Philippine Reclamation Authority (PRA) tungo sa imbestigasyon na maaaring humantong sa forfeiture proceedings kaugnay ng mga ni-reclaim na bahagi ng Laguna Lake sa Taguig.
Kinumpirma ng ahensya na walang reclamation permit na nakuha ang pamahalaang lungsod, ayon kay Lacson.
Maaaring humantong ang imbestigasyon sa PRA board resolution para simulan ang proseso tungo sa forfeiture proceedings. Dapat ma-forfeit pabor sa pambansang gobyerno ang lupang ni-reclaim ng walang kinakailangang permit mula sa PRA, sabi ng senador.
“Patungo na sila sa pagimbestiga para magkaroon ng board resolution ng PRA para magsimula ng proseso patungo sa forfeiture proceedings.
Kasi pag ganyang reclamation at wala kang permiso sa PRA dahil sila ang agency mandated para mag-regulate o magbigay ng permit dito, ang logical conclusion dapat niyan, i-forfeit mo in favor of the national government,” ani Lacson.
Kailangan pa ng beripikasyon sa lawak ng reclaimed area. Binanggit ni Lacson ang naunang bilang na 47 ektarya at sinabing may 37 ektarya pang nadagdag kamakailan.
Kailangan pa ring kumuha ang pamahalaang lungsod ng mga kinakailangang pahintulot kahit pag-aari ng gobyerno o ginagamit para sa pampublikong layunin ang ilang bahagi ng reclaimed areas.
Kailangan ng pamahalaang lungsod ng mga pahintulot mula sa PRA at mga dokumento mula sa Laguna Lake Development Authority at Department of Environment and Natural Resources bago magsagawa ng reclamation.
“Hindi pupuwede ‘yan. Pwede mo gawin ‘yan pag apply ng permit ang LGU para mag-reclaim,” ani Lacson.
Ayon sa mga naunang ulat, itinanggi ni Sen. Alan Peter Cayetano ang mga alegasyon ng ilegal o pribadong reclamation sa Taguig at iginiit na ang mga lakeshore development ay mga proyekto ng gobyerno para sa pampublikong gamit.
Inanyayahan din niya si Lacson na inspeksyunin ang mga proyekto sa Taguig.
Inakusahan ni Lacson si Cayetano na nag-pressure umano sa mga kinatawan ng PRA noong deliberasyon sa budget ng Office of the President noong Nobyembre 2025 at naantala pagkatapos nito ang imbestigasyon ng ahensya.
“Pasususpend, e gabi na raw yan. So parang napressure sila. Hindi na lang sila kumibo kaya naantala ang investigation,” ani Lacson.
Sinusuri ng team ni Lacson ang hindi bababa sa 32 flood-control projects sa Taguig matapos makipag-ugnayan sa PRA at Department of Public Works and Highways.
Aniya, plano ng kanyang team na isumite sa Office of the Ombudsman ang mga materyal kaugnay ng hindi bababa sa limang case studies, kasama ang affidavits ng hindi bababa sa dalawang testigong nakipagtulungan sa imbestigasyon.
“Ang pinaguusapan dito, ilan ang ghost project na ginastusan ng pera ng gobyerno na maliwanag sa ebidensya, sa dokumento, na talagang ghost,” ani Lacson.
Sinabi ni Lacson na nasa Senate Blue Ribbon Committee leadership ang desisyon kung isasama sa mga pagdinig ng komite ang mga flood-control project sa Taguig.
Hiniling ng ilang testigo na direktang dalhin sa Ombudsman ang kanilang impormasyon sa halip na iharap sila sa public hearing dahil nangangamba sila sa harassment o premature exposure.
“Nakiusap mga testigo sa halip na public hearing dumiretso sa Ombudsman kung papatawag sila, ayoko rin. Kaya pumayag ako kay Sen. Tulfo na i-defer muna ang public hearing, kasi baka ma-expose prematurely ang testigo,” ani Lacson.
