Calendar
Depense inutusan isumite ebidensya, inakusan na nang-Indian ni Kapunan
“NA-INDIAN po kami,” sinabi ni private prosecutor Lorna Kapunan sa impeachment court nitong Martes matapos sabihin na hindi natuloy ang nakatakdang pakikipagpulong ng prosekusyon sa depensa ni Vice President Sara Duterte para paghambingin ang mga dokumentong gagamitin sa paglilitis.
Ayon kay Kapunan, hiniling ng prosekusyon na magpulong ang dalawang panig noong Huwebes o Biyernes ng nakaraang linggo, ngunit alas-5:38 na ng hapon noong Huwebes tumugon ang depensa at sinabing Agosto 14 sila maaaring makipagpulong.
Kinuwestiyon ni Kapunan kung bakit Agosto 14 ang iminungkahing petsa gayong nagpapatuloy na ang impeachment trial.
Dagdag niya, nagsimula pa noong pre-trial ang hindi pagkakasundo sa pag-stipulate ng mga dokumento. Aniya, nais ng prosekusyon na mabawasan ang mga dokumentong kailangan pang isa-isang talakayin sa paglilitis.
Nauna namang sinabi ng depensa na handa itong mag-stipulate sa ilang opisyal na rekord ngunit hindi ito handang mag-stipulate sa libu-libong acknowledgment receipts at iba pang pinagtatalunang factual propositions nang hindi muna sinusuri ang mga ito, habang pinananatili ang karapatan nitong tumutol.
Kalaunan ay inutusan ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang mga abogado ni Duterte na isumite sa loob ng araw o pagsapit ng Miyerkules ang kanilang mga minarkahang ebidensya noong pre-trial.
Sinabi ni Escudero na sa halip na magtakda pa ng panibagong pagpupulong ng prosekusyon at depensa, maaaring ang impeachment court o mga senator-judge na mismo ang maghambing sa mga dokumento.
Sinabi naman ni defense counsel Kristine Ferrer na susunod ang depensa sa kautusan.
Nauna nang inatasan ni Escudero ang dalawang panig na paghambingin ang magkahiwalay nilang minarkahang kopya ng acknowledgment receipts na kaugnay ng confidential-fund liquidation records.
Nilinaw din niya na layunin lamang ng paghahambing na matukoy kung parehong dokumento ang tinutukoy ng dalawang panig at hindi nito awtomatikong pagpapasyahan ang authenticity, admissibility o evidentiary weight ng mga ito.
Muling humarap sa witness stand nitong Martes si Commission on Audit supervising auditor Xylene Mae del Campo habang ipinagpatuloy ng prosekusyon ang pagpresenta ng mga rekord at testimonya hinggil sa confidential funds sa ilalim ng Article I ng impeachment case laban kay Duterte.

