Calendar
’27 National Expenditure Program susuriin ng Kamara–Speaker Dy
TINIYAK ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na susuriin ng Kamara de Representantes ang 2027 National Expenditure Program (NEP) upang matiyak na ang bawat pisong ilalaan ng pamahalaan ay maghahatid ng benepisyo sa mga Pilipino.
Hindi sapat na malaman lamang kung magkano ang gagastusin ng pamahalaan dahil kailangang malinaw din kung saan mapupunta ang pondo, ano ang magiging resulta nito at paano mararamdaman ng ordinaryong Pilipino ang epekto ng mga programang popondohan, ayon sa Speaker.
“Hindi sapat na sabihin kung magkano ang ginagastos. Dapat maipakita kung ano ang nagagawa ng bawat piso. Ang bawat piso ay dapat may katumbas na ginhawa para sa bawat Pilipino,” ang pahayag ni Speaker Dy.
Susuriin ng Kamara ang bawat bahagi ng panukalang badyet at tatanungin ang mga ahensya ng pamahalaan hindi lamang tungkol sa kanilang hinihinging pondo kundi pati sa paraan ng paggamit nito at sa konkretong resulta na maibibigay sa publiko.
Binigyang-diin ni Speaker Dy na tatlong pangunahing tanong ang magiging gabay sa pagsusuri ng badyet: “saan mapupunta ang pondo, ano ang konkretong mababago nito, at paano ito nararamdaman ng ordinaryong Pilipino.”
Kabilang sa mga dapat makinabang ang mga pamilyang naghahangad ng mas abot-kayang pagkain, mga magulang na nangangailangan ng maayos na serbisyong pangkalusugan, mga batang nais makapagtapos, mga magsasakang nangangailangan ng suporta, at mga manggagawang naghahanap ng disenteng trabaho at patas na oportunidad.
Mahalaga rin na maipatupad sa badyet ang mga prayoridad na inilatag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa kanyang huling State of the Nation Address.
Saklaw nito ang mga sektor ng pagkain at enerhiya, edukasyon, kalusugan, trabaho, imprastraktura at disaster preparedness.
“Ang budget ay pera ng taumbayan. May karapatan silang malaman kung saan ito mapupunta. Sisikapin po natin na maging mas bukas pa ang pagbubuo ng ating national budget,” ani Dy.
Iginiit din ng Speaker ang pangangailangan na maiwasan ang pag-aaksaya, maling paggasta at korapsyon sa paggamit ng pondo ng bayan. Aniya, ang bawat pisong matitipid ay maaaring ilaan sa mga silid-aralan, ospital, pagkain, trabaho, agrikultura at iba pang serbisyong direktang kailangan ng mga Pilipino.
Masusing susuriin ng mga mambabatas ang NEP, haharapin at tatanungin ang mga ahensya ng pamahalaan, pakikinggan ang mga stakeholder at regular na ipapaalam sa publiko ang mga usaping lilitaw sa proseso.
Sa huli, sinabi ni Dy na magiging pangunahing sukatan ng 2027 national budget ang tunay na epekto nito sa buhay ng mga Pilipino.
“Sa dulo, iisa ang ating sukatan: isang budget na tunay na para sa tao at tunay na nararamdaman ng tao,” ani Dy.

