Bam

Pagpasa ng Cadena Act mababantayan kung paano ginagastos bawat piso ng bayan — Aquino

32 Views

NANAWAGAN si Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV na maipasa ang CADENA Act dahil sa mga pagbaha at hinihingi din niya ang mas malawak na pagsisiwalat ng impormasyon tungkol sa paggasta ng pamahalaan, kabilang ang pondong inilaan sa flood control.

Ang pagbaha dulot ng mga bagyong Luis at Maymay at habagat ay nakaapekto sa Metro Manila, Southern Luzon, Northern Luzon at Central Luzon at ikinasawi ng 19 katao at nagpalikas sa libu-libo pang tao.

“Mahigit isang taon na nang nanawagan tayo ng imbestigasyon ukol sa flood control projects ng gobyerno pero hindi pa ito nareresolba,” sinabi ni Aquino.

Naghain si Aquino ng Senate Resolution No. 28 noong Hulyo 29, 2025 upang imbestigahan ang flood-control program ng pamahalaan.

Nanawagan din siya sa agarang pagpasa ng Senate Bill No. 1506, o Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability Act, na tinatawag din niyang “Blockchain the Budget Bill.”

Inaprubahan ng Senado ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa noong Disyembre 15, 2025 sa botong 17-0, na walang tumutol o nag-abstain.

Hindi pa inaaksyunan ng House of Representatives ang panukala pitong buwan matapos aprubahan ng Senado.

“Ngayong papalapit na ang budget season, mas mahalagang magkaroon tayo ng mas matibay na sistema upang mabantayan kung saan napupunta at paano ginagastos ang bawat piso ng bayan,” sinabi ni Aquino.

Sa ilalim ng panukala, aatasan ang mga ahensya ng pamahalaan na mag-upload at regular na magpanatili sa Digital Budget Platform ng mga dokumentong kaugnay ng badyet, kabilang ang mga kontrata, halaga ng proyekto, bills of materials at procurement records.

Itinatakda rin ng panukala na ang mga rekord ay dapat bukas sa publiko, nasusubaybayan, open-source at maaaring beripikahin. Maaaring humarap sa administratibo at kriminal na parusa ang mga opisyal na hindi maglalabas ng kinakailangang dokumento o mag-a-upload ng mapanlinlang na impormasyon.