Zambales

‘Nanay Bing’ bumisita sa Botolan

Mar Rodriguez Aug 11, 2026
27 Views

BUMISITA si Zambales Rep. Doris “Nanay Bing” Maniquiz sa mga residente sa Botolan para tingnan ang kanilang kalagayan dala ng pagbaha dulot ng malakas na ulan sa northern Luzon.

Nagtungo si Congresswoman Nanay Bing sa San Juan Dike upang inspeksyunin ang sitwasyon sa Bucao River kasunod ng pagtaas ng tubig at malalakas na alon na may kasamang buhangin at putik.

Kasama ni Nanay Bing ang mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Philippine National Police (PNP), sinuri ng kongresista ang kondisyon ng dike at tiniyak na walang mga taong nananatili sa lugar na maaaring malagay sa panganib.

Sinusuri ng mga awtoridad ang sitwasyon at pinag-aaralan ang mga agarang hakbang upang maiwasan ang pag-apaw ng tubig sa mga karatig na lugar sakaling magkaroon ng pinsala sa dike.

Nagbabala rin ang lokal na pamahalaan sa mga residente na huwag nang lumapit o magtungo sa paligid ng San Juan Dike dahil sa posibilidad na gumuho ang ilang bahagi nito anumang oras.

Pinayuhan ang publiko na manatili sa kani-kanilang mga tahanan, maging alerto sa mga abiso ng mga awtoridad, at paghandaan ang posibleng epekto ng patuloy na nararanasang masamang panahon.

Binigyang-diin ni Nanay Bing na nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaang lokal ang kaligtasan ng bawat pamilya habang patuloy ang pagbabantay sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang maagap na pagtugon sa anumang emergency.