Calendar
Prosecution: Testimonya ng COA auditor nagpatibay sa kaso sa paggamit ng confi funds
BINIGYANG-DIIN ng House prosecution panel nitong Martes na higit pang nagpatibay sa kanilang kaso ang testimonya ni Commission on Audit (COA) State Auditor Xylene May Del Campo sa Senate Impeachment Court kaugnay ng paggamit at liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong panahon ni Vice President Sara Z. Duterte.
Ayon kay House prosecution panel spokesperson – impeachment adviser at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers, naging mahalagang bahagi ng testimonya ni Del Campo ang pagpapatibay sa serye ng mga opisyal na dokumento ng pamahalaan na ginagamit ng prosecution bilang ebidensya sa impeachment case.
Sinabi ni Barbers na malinaw at obhetibong ipinaliwanag ni Del Campo sa impeachment court ang proseso ng COA sa pag-a-audit, ang mga dokumentong isinumite para sa liquidation, at kung paano sinuri ng komisyon ang mga rekord bilang bahagi ng mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon.
“Hindi iniharap si Auditor Del Campo para magbigay ng opinyon o konklusyong pampulitika. Iniharap siya upang maglahad ng mga katotohanan,” ani Barbers.
Ayon pa kay Barbers, pinatunayan ng testimonya ni Del Campo ang pagiging tunay ng mga opisyal na rekord ng pamahalaan at ipinaliwanag kung paano naging bahagi ang mga ito ng proseso ng audit ng COA.
Pagbibigay-diin din ni Barbers ang testimonya ni Del Campo na sa DepEd, ang confidential funds na saklaw ng audit ay para lamang sa Office of the Secretary na noo’y pinamumunuan ni Duterte.
Aniya, mahalaga ito dahil malinaw nitong tinutukoy ang tanggapang responsable sa pagpapalabas at liquidation ng naturang confidential funds.
Sinabi rin ng prosecution panel na ipinaliwanag ni Del Campo na nakabatay ang kanyang audit sa mga opisyal na liquidation report, certification, acknowledgment receipt at iba pang supporting documents na isinumite sa COA.
Ayon kay Barbers, bahagi ang mga dokumentong ito ng regular na proseso ng government audit at dapat maingat na isaalang-alang ng mga senator-judge sa paglilitis.
May continuity ang COA audit:
Ipinaliwanag din umano ni Del Campo na nagsimula siyang humawak sa audit ng ilang bahagi ng confidential funds ng OVP noong huling bahagi ng Disyembre 2022 at nagpatuloy ito sa mga sumunod na audit period noong 2023.
Para kay Barbers, ipinapakita nito na tuloy-tuloy ang proseso ng audit at nanatiling saklaw ng constitutional oversight ang paggamit ng confidential funds.
“Hindi nangyari nang hiwalay ang audit ng COA. Ipinakita ni Auditor Del Campo na may continuity ang proseso ng audit at nanatiling nasa ilalim ng constitutional oversight ang paggastos ng confidential funds,” ani Barbers.
Prosecution: Dokumento at katotohanan ang ihaharap.
Iginiit ni Barbers na layunin ng prosecution na magharap ng kumpleto at magkakaugnay na ebidensya sa impeachment court, kung saan ang bawat testigo ay inaasahang mag-aambag sa factual record ng kaso.
“Hindi namin responsibilidad ang mag-ispekula o mag-sensationalize. Ang responsibilidad namin ay magharap ng authenticated documents, credible witnesses at objective facts,” ani Barbers.
Ayon sa kanya, sa pamamagitan ng mga ebidensyang ito ay matutukoy ng Senate Impeachment Court kung nasunod ang mga pamantayan ng Konstitusyon hinggil sa pananagutan at tiwala ng publiko sa paggamit ng confidential funds.
Sinabi ng House Prosecution Panel na kumpiyansa itong makatutulong ang pinagsama-samang ebidensyang iniharap sa paglilitis upang makapagpasya ang mga senator-judge batay sa Konstitusyon, mga ebidensyang nasa rekord at rule of law.
“Ang impeachment process na ito ay tungkol sa pagpapanatili ng pananagutan sa pampublikong serbisyo at pagprotekta sa tiwala ng mamamayan sa mga institusyon ng pamahalaan,” ani Barbers. “Nananatili kaming nakatuon sa paglalahad ng aming kaso nang patas, propesyonal at may buong katapatan sa mga katotohanan.”
