Calendar
Itinurn-over ni Department of Budget and Management (DBM) acting Secretary Kim Robert De Leon ang 2027 P2.7 trillion National Expenditure Program (NEP) kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy lll noong Martes. Kuha ni VER NOVENO
’27 budget titiyaking bawat piso may pakinabang sa Pilipino
NANGAKO si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Martes na sasailalim sa masusing pagsusuri ang panukalang pambansang badyet para sa 2027 upang matiyak na bawat pisong ilalaan ng pamahalaan ay magdudulot ng konkretong pakinabang sa mga Pilipino.
Kasabay ng pormal na pagtanggap ng Kamara sa 2027 National Expenditure Program (NEP), sinabi ni Speaker Dy na mananatiling sentro ng proseso ng pagbabadyet ang kapakanan ng mga Pilipino, alinsunod sa tema ng pamahalaan na “People-Centered Growth for an Inclusive and Resilient Future.”
“Hindi sapat na sabihin kung magkano ang ginagastos. Dapat maipakita kung ano ang nagagawa ng bawat piso. Ang bawat piso ay dapat may katumbas na ginhawa para sa bawat Pilipino,” ani Dy sa kanyang mensahe sa seremonya ng turnover ng NEP.
“Sa Bagong Kongreso, masusi nating susuriin ang bawat bahagi ng panukala. Tatanungin natin ang mga ahensiya hindi lamang kung magkano ang kanilang hinihingi, kundi kung paano ito gagamitin at kung anong konkretong bunga ang maibibigay nito sa sambayanan.”
Ayon kay Dy, susuriin ang panukalang badyet batay sa tatlong pangunahing tanong: “Saan mapupunta ang pondo, ano ang konkretong mababago nito, at paano ito mararamdaman ng ordinaryong Pilipino?”
Binigyang-diin ng Speaker na ang pambansang badyet ay hindi lamang koleksiyon ng mga numero at alokasyon. Sa likod ng bawat pisong inilaan ay mga Pilipinong umaasa sa pamahalaan para sa mas maayos na serbisyo, mas maraming oportunidad, at mas magandang kalidad ng buhay.
“Sapagkat ang budget na ito ay para sa pamilyang umaasang magiging mas abot-kaya ang presyo ng pagkain; sa magulang na nangangailangan ng maayos na serbisyong pangkalusugan; sa batang nangangarap makapagtapos; sa magsasakang nangangailangan ng suporta; at sa manggagawang naghahangad ng disenteng trabaho at mas patas na pagkakataon,” ani Dy.
“Sila ang dapat maging batayan ng ating mga prayoridad.”
Sinabi rin ng lider ng Kamara na inilatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address ang direksiyon ng pamahalaan na palakasin ang seguridad at sariling kakayahan ng bansa, habang tinitiyak na makararating ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga higit na nangangailangan nito.
Mula sa pagkain at enerhiya hanggang sa edukasyon, pangangalagang pangkalusugan, trabaho, imprastraktura, at kahandaan sa kalamidad, sinabi ni Dy na ang panukalang pambansang badyet para sa 2027 ay magiging isa sa pinakamahalagang instrumento ng pamahalaan upang maisalin ang mga prayoridad na ito sa konkretong mga hakbang.
Ngayong nasa Kongreso na ang NEP, sinabi ng Speaker na responsibilidad ng Kamara na tiyaking mapapanatili ang mga layuning ito sa buong proseso ng deliberasyon at maisasama sa pinal na bersyon ng General Appropriations Bill.
Nangako rin si Dy na pananatilihing bukas at transparent ang proseso ng pagbabadyet sa Kongreso, kasunod ng mga repormang unang ipinatupad noong nakaraang taon.
“Last year, we began implementing reforms such as the Budget Amendments and Review Subcommittee, or BARSC, and introduced the live-streaming of our bicameral meetings,” aniya.
“Ang budget ay pera ng taumbayan. May karapatan silang malaman kung saan ito mapupunta. Sisikapin po natin na maging mas bukas pa ang pagbubuo ng ating national budget.”
Sinang-ayunan din ng Speaker ang panawagan ng Pangulo laban sa pag-aaksaya, maling paggastos, at korapsyon. Aniya, ang bawat pisong matitipid ay maaaring ilaan sa mga silid-aralan, ospital, pagkain, trabaho, agrikultura, at iba pang serbisyong direktang kailangan ng mga Pilipino.
“Iyan ang ating pananagutan: tiyaking ang pondo ay may malinaw na layunin, ang mga programa ay may tunay na pakinabang, at ang bawat desisyon ay may positibong epekto sa buhay ng mga Pilipino,” ani Dy.
Sa mga susunod na linggo, sinabi ni Dy na masusing susuriin ng mga mambabatas ang NEP, tatanungin ang mga ahensiya ng pamahalaan, makikinig sa mga stakeholder, at patuloy na ipagbibigay-alam sa publiko ang mga kaganapan sa proseso.
“Sa mga susunod na linggo, magiging masusi ang ating trabaho. Magtatanong tayo. Makikinig tayo. At sisiguraduhin nating malinaw sa publiko ang bawat hakbang ng prosesong ito,” aniya.
Sinabi ni Dy na dadalhin ng Kamara ang hamon na iniwan ni Pangulong Marcos sa pagtatapos ng kanyang SONA: tapusin ang mga nasimulan ng pamahalaan at tuparin ang mga pangako nito sa sambayanang Pilipino.
“Para sa Bagong Kongreso, iyan ang layunin ng 2027 budget—isalin ang mga pangako sa programa, ang mga programa na may konkretong epekto, at ang bawat pisong ginagastos sa tunay na pagbabago sa buhay ng ating mga kababayan,” ani Dy.
“Sa dulo, iisa ang ating sukatan: isang budget na tunay na para sa tao at tunay na nararamdaman ng tao.”
“Iyan ang hangarin ng Bagong Kongreso—isang Kongresong bukas, nakikinig, may pananagutan, at laging inuuna ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.”

