Tulfo

Tulfo, Pia Cayetano nagkasagutan sa hindi pa kumpletong Senate committee memberships

30 Views

NAGKASAGUTAN sina Senador Raffy Tulfo at Senadora Pia Cayetano sa plenaryo ng Senado nitong Martes matapos akusahan ni Tulfo si Minority Leader Alan Peter Cayetano ng hindi pagbibigay ng pag-apruba sa pagsali ng minority senators sa dalawang komiteng kanyang pinamumunuan.

Sinabi ni Tulfo na nakaaantala sa mga panukalang may kinalaman sa isang Department of Water, legislative franchises at OFW reintegration ang hindi pa kumpletong memberships ng Committees on Public Services at Migrant Workers.

Ayon kay Tulfo, nagpahayag na ng kahandaang sumali sa mga komite ang mga senador mula sa minority ngunit ilang beses nang nagtungo ang kanyang staff sa tanggapan ni Alan Cayetano upang hingin ang pag-apruba nito.

“I don’t know anong dahilan niya bakit niya hino-hostage ‘yung pagiging members ng kanyang kasamahan sa committee ko,” sinabi ni Tulfo.

Direkta rin niyang hinimok si Cayetano na aksyunan ang committee memberships.

“To the minority leader, my good friend, Senator Alan Peter Cayetano, it is time that we cooperate so that we may get back to legislating. If you have time to go on FB Live, maybe you have time to confirm or give the go signal to your minority members,” sinabi ni Tulfo.

Tinutulan naman ni Pia Cayetano ang paggamit ni Tulfo ng salitang “hostage” at sinabing maaari naman siyang lapitan nito tungkol sa kanyang kapatid.

“Senator Tulfo, madali niyo naman akong tanungin, alam niyo namang kapatid ko si Alan kung may gusto kayong iparating. Huwag na ho kayo mag-drama ng pa-hostage hostage, hindi ho tayo ganito rito,” sinabi niya.

Itinanggi ni Tulfo na nagga-grandstanding siya at tinutulan ang puna ni Pia Cayetano.

Sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na 32 komite ng Senado ang hindi pa ganap na nabubuo dahil kulang pa ang kanilang mga miyembro.

Ayon kay Gatchalian, makikipag-ugnayan sila ni Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri sa minority leader upang makumpleto ang committee rosters.

Sinabi ni Zubiri na hindi maganda ang pakiramdam ni Alan Cayetano at kakausapin nila ito tungkol sa usapin.

“We’ll reach out to him and by tomorrow we can settle this issue and elect already the members of the minority,” sinabi ni Zubiri.

Ayon kay Zubiri, ang pagkumpleto ng memberships ay magbibigay-daan upang makapirma ang mga senador sa committee reports.