Calendar
Kinabukasan ng PH, pangangalaga sa mga bata, proteksyon sa Sierra Madre kasama sa priority bills ng LEDAC
Tinanggap ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang pagsasama ng mga panukalang ito sa Common Legislative Agenda (CLA) ng LEDAC.
Ayon kay Speaker Dy, layunin ng mga panukalang ito na palakasin ang mga umiiral nang prayoridad na batas upang matugunan ang nagbabagong pangangailangan ng mamamayan at maisulong ang pangmatagalang pag-unlad ng bansa.
Isa sa mga bagong prayoridad ay ang House Bill No. 9965 o ang Children’s Social Media Safety Act na pangunahing inakda nina Speaker Dy, Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos.
Layunin ng panukalang batas na magtatag ng komprehensibong regulasyon sa paggamit ng social media ng mga bata sa pamamagitan ng mahigpit na age verification, mas pinalakas na parental controls mas mataas na pananagutan ng mga social media platform at pagpapatupad ng mga pamantayan sa digital safety.
Ayon pa sa Speaker, lumalaki ang mga bata sa isang digital na kapaligiran kung saan nalalantad sila sa cyberbullying, online exploitation, mapaminsalang nilalaman, nakaaadik na disenyo ng mga social media platform, at manipulasyong dulot ng mga algorithm.
Kasama rin sa na-update na prayoridad ng LEDAC ang Sierra Madre Conservation and Development Act.
Layunin nitong magtatag ng iisang sistema ng pamamahala para sa kabundukan ng Sierra Madre, bumuo ng 25-taong development plan, palakasin ang makaagham na pangangalaga sa kalikasan, at isulong ang napapanatiling kabuhayan ng mga komunidad na umaasa sa pinakamahabang bulubundukin sa bansa.
Binigyang-diin ni Speaker Dy na ang Sierra Madre ay hindi lamang tahanan ng mayamang biodiversity kundi nagsisilbi ring pangunahing panangga laban sa mga bagyo, mahalagang pinagkukunan ng tubig, at malaking katuwang sa paglaban sa epekto ng climate change.
Aniya, sa pamamagitan ng pinag-isang pamamahala at pangmatagalang plano sa pagpapaunlad, mapangangalagaan ang Sierra Madre habang napauunlad din ang kabuhayan ng mga komunidad na umaasa rito.
Target ng LEDAC na maipasa ang dalawang panukalang batas pagsapit ng Hunyo 2027.
Bukod sa dalawang panukalang ito, isinama rin sa mga bagong prayoridad ang ProGRESS Package; Agriculture and Fisheries Extension Act; Agricultural Cooperatives Development Act; Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) Amendments; at Amendments to the Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA).
Sa kabuuan, umabot na sa 60 ang bilang ng mga panukalang kasama sa Common Legislative Agenda ng LEDAC. Sa mga ito, 27 panukalang batas na ang naaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at pinal na pagbasa.
Ayon kay Speaker Dy, mahalagang maisabatas ang mga panukalang ito upang maprotektahan ang kapakanan ng mga kabataan sa digital na mundo at mapangalagaan ang Sierra Madre bilang pangunahing depensa ng bansa laban sa kalamidad at epekto ng climate change.
