Calendar
KIKO ISINUSULONG SENATE PROBE SA FLOOD CONTROL PROJECTS, NAT’L FLOOD MANAGEMENT PLAN
ISINUSULONG ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang imbestigasyon ng Senado sa tibay, disenyo, konstruksyon, pagpapatupad at maintenance ng mga flood control project, kasabay ng panawagang bumuo ng national flood management plan.
Inihain ni Pangilinan nitong Agosto 11 ang Proposed Senate Resolution No. 592 kasunod ng mga pagbaha sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya na iniugnay sa resolusyon sa malalakas na ulan dulot ng habagat at mga bagyo.
Layunin ng resolusyon na bumuo ng evidence-based National Flood Management Plan na magsisilbing iisang balangkas para sa national at local flood control projects, river basin at watershed management, drainage at land-use planning, at iba pang hakbang upang mabawasan ang panganib ng pagbaha.
“Ang flood control projects ay hindi lamang nasa papel at inaagiw sa mga opisina ng pamahalaan. Dapat itong ikinakasa nang wasto, nai-implementa nang tama, at napoproteksyunan ang mga Pilipino,” sinabi ni Pangilinan.
Sinabi ni Pangilinan na dapat maayos ang disenyo at pagkakagawa ng mga flood control project at nakapaloob ang mga ito sa mas malawak na plano.
“At hindi rin sapat na may proyektong nakikita. Ang tanong ay kung tama ba ang proyekto? Tama ba ang disenyo? Maayos ba ang pagkakagawa at bahagi ba ito ng isang malinaw na plano para sa buong lugar? Kung kanya-kanya ang proyekto at walang kabuuang direksyon, baka imbes na solusyon, lalo pang lumala ang problema,” sinabi niya.
Nanawagan din siya ng koordinasyon sa flood control systems ng mga bayan, munisipalidad at lungsod.
“Again, walang kwenta ang mga flood control projects kung iba-iba ang sistema, proseso, at disenyo. Kailangan well-coordinated yan sa bawat bayan, munisipalidad, at siyudad. Hindi naman nalilimitahan ang tubig. Pupunta ’yan kung saan may espasyo, kaya dapat ang ating flood control projects ay magkakarugtong,” sinabi ni Pangilinan.
Binanggit din sa resolusyon ang mga ulat hinggil sa umano’y “ghost, substandard, redundant, or improperly implemented” flood control projects at nanawagan itong palakasin ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.

