Tulfo

ERWIN TULFO SUPORTADO ANG PAX SILICA PROBE, HUMINGI NG DETALYE SA TUBIG, KURYENTE

22 Views

SUPORTADO ni Sen. Erwin Tulfo ang imbestigasyon ng Senado sa planong Pax Silica hub sa New Clark City, Tarlac, ngunit hiniling niya sa mga ahensiya ng pamahalaan na tukuyin kung saan kukunin ang tubig at kuryente para sa proyekto.

Sinuportahan ni Tulfo nitong Martes ang resolusyong inihain ni Sen. Raffy Tulfo na humihiling ng imbestigasyon sa planong 4,000-acre technology at industrial hub.

Ayon sa Bases Conversion and Development Authority, nakalaan ang proyekto para sa mga industriyang may kaugnayan sa artificial intelligence, semiconductors, critical minerals at iba pang teknolohiya.

Sinabi ni Erwin Tulfo na suportado niya ang layunin ng proyekto ngunit dapat ipaliwanag ng mga ahensiyang sangkot kung paano tutugunan ang pangangailangan nito sa tubig at kuryente nang hindi nababawasan ang suplay sa mga kalapit na komunidad.

“Maganda po yung layunin—nabasa ko po, ilang araw ko na po inaaral. It will generate thousands of jobs. Siyempre, we will become a hub dito po sa artificial intelligence dito po sa Southeast Asia,” sinabi ni Tulfo.

“Pero, Ginoong Pangulo, tulad po ng nabanggit din ni Sen. Raffy, na may mga kaakibat itong mga suliranin na dapat sigurong malinawan tayo,” dagdag niya.

Sinabi ni Tulfo na mangangailangan ng tubig para sa cooling ang proyekto at hiniling niya sa BCDA na tukuyin ang pagkukunan nito.

“Una na po diyan, tama po yung tubig, dahil gugugol po ito bilang cooling. Saan po kukuha ang BCDA ng tubig? Saan po manggagaling?” tanong niya.

Hiniling din niya sa Department of Energy na tukuyin ang pagkukunan ng kuryente at alamin kung maaaring maapektuhan ng pangangailangan ng proyekto ang mga kalapit na lugar.

“Kailangan dapat din po masagot dito ng Department of Energy saan po kukuha ng kuryente at baka maapektuhan ang mga karatig na pook,” sinabi ni Tulfo.

Aniya, dapat magharap ang BCDA at iba pang ahensiyang sangkot ng mga planong magpapakitang magkakaroon ng sapat na tubig at kuryente ang proyekto nang hindi naaapektuhan ang mga residente.

Binanggit din ni Tulfo ang mga reklamo mula sa local government units at pangamba ng indigenous communities sa Tarlac. Hindi nagbigay ang senador ng karagdagang detalye tungkol sa mga reklamo sa kanyang manifestation.

“Sumusuporta po ako dito po sa Pax Silica pero at the same time, bago po natin yakapin ito at tanggapin, kailangan lang po natin maliwanagan,” sinabi niya.

Nauna nang sinabi ng BCDA na pangunahing gagamit ang proyekto ng surface water at naipong tubig-ulan sa halip na kumuha sa groundwater na ginagamit ng mga komunidad.