Pic

2 grupo nagkainitan, nagkabarilan sa Cavite resort, 2 tigok

18 Views

Pic1Pic2Pic3ISANG BARILAN sa loob ng isang resort sa Maragondon, Cavite bandang alas-1:30 ng madaling-araw noong Miyerkules ang nagresulta sa pagkamatay ng isang lokal na pulis at isang sibilyan, ayon sa mga opisyal.

Iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief, General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang masusing imbestigasyon sa barilan na ikinasugat din ng isa pang pulis.

Isinugod ang sugatang pulis sa isang lokal na ospital kung saan siya ay nasa stable na kondisyon. Siya ay inilagay sa kustodiya ng pulisya para sa imbestigasyon.

“Ang mga pangyayari na nakapaligid sa insidente ay patuloy pang inaalam. Ang imbestigasyon, kabilang ang kinakailangang forensic examination at iba pang mga pamamaraan, ay nagpapatuloy,” sinabi ni Gen. Nartatez sa isang pahayag.

Pinaalalahanan din ng hepe ng PNP ang lahat ng tauhan na mahigpit na sundin ang umiiral na mga patakaran at pamamaraan hinggil sa kaligtasan at wastong paghawak ng baril, tamang asal, at paggamit ng puwersa.

“Inaasahang magpapakita ang mga pulis ng disiplina, pagpipigil, at wastong pagpapasya sa lahat ng pagkakataon, nasa tungkulin man o wala,” aniya.

“Hindi pa huhusgahan ng PNP ang kaso nang maaga, ngunit hindi rin nito kukunsintihin ang anumang paglabag sa batas o sa mga alituntunin at regulasyon ng PNP,” ani Gen. Nartatez.

“Susundan namin ang mga ebidensya, igagalang ang due process, at magsasagawa ng nararapat na aksyon batay sa mga resulta ng imbestigasyon,” aniya habang ipinapaabot ang pakikiramay ng PNP sa mga pamilya ng mga nasawi at tiniyak sa publiko na ang insidente ay masusing at obhetibong iniimbestigahan.

Gayunman, sinabi sa isang paunang imbestigasyon ng Cavite Police Provincial Office na sumiklab ang barilan nang palabas na sana ng resort ang mga sangkot.

Lumilitaw na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawang grupo na kalaunan ay nauwi sa palitan ng putok.

Sinabi ni Cavite police director, Colonel Ariel Red na iniimbestigahan nila ang tunay na motibo sa likod ng insidente gayundin ang mga ulat na maaaring naging salik ang alak sa palitan ng putok.

Nasawi ang dalawang biktima habang isinusugod sa isang kalapit na ospital.

Ang 2nd sugatang pulis na sinasabing nakatalaga sa Trece Martires City Police Station ay kasalukuyang tinatanong ng mga imbestigador, sinabi ni Col. Red.

Sinabi ng opisyal na ang dalawang 9mm semi-automatic pistol na narekober sa pinangyarihan ng krimen, na ang isa ay baril na inisyu ng PNP, ay ipinasa sa Cavite Provincial Forensic Unit para sa karagdagang pagsusuri upang matukoy kung alin sa mga ito ang ginamit sa pamamaril.

Sinabi ni Col. Red na iniutos din niya ang administrative relief ng hepe ng Maragondon Municipal Police Station habang hinihintay ang pagkumpleto ng imbestigasyon.

Ang insidente ay naganap sa parking area ng resort sa Barangay San Miguel A.

Kinilala ang nasawi na sina PMSg Junmark Sisante, pulis na nakatalaga sa Magallanes MPS at Arjay Mojica, nasa hustong gulang, umano’y civilian security ng isang mayor; habang sugatan si PCpl Louie Vidon Climacosa, pulis na nakatalaga sa Ternate MPS., pawang mga residente ng Magallanes, Cavite.

Arestado naman ang diunamo’y suspek na si PCpl Rolando Periodico Jr., 35, miyembro ng PNP na nakatalaga sa Trece Martires City Police Station at residente ng Magallanes, Cavite.

Ayon sa inisyal na ulat ng Maragondon Municipal Police Station, dakong 1:30 ng madaling-araw, nang makatanggap ng tawag ang pulisya hinggil sa naganap na pamamaril sa Marie’s Resort.

Batay sa salaysay ng saksi, nasa impluwensiya umano ng alak ang mga sangkot at pauwi na sana nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa parking area ng resort na nauwi sa pamamaril. Nina ALFRED DALIZON & DENNIS ABRINA