Vietnamese SOURCE: Larawan mula sa FB/PNP

3 VIETNAMESE TIMBOG SA ILLEGAL DENTAL PRACTICE SA CEBU

194 Views

Arestado ang tatlong Vietnamese nationals matapos umanong magsagawa ng dental procedures nang walang kinakailangang lisensya at permit sa Barangay Tipolo, Mandaue City, Cebu noong Agosto 10, 2026.

Nasakote ang tatlo sa operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Mandaue City Field Unit kasama ang Regional Special Operations Team ng CIDG Region 7, National Bureau of Investigation-Cebu District Office (NBI-CEBDO), Philippine Dental Association (PDA) Mandaue Chapter, at mga lokal na police unit.

Nag-ugat ang operasyon sa reklamong inihain ng PDA Mandaue Chapter kaugnay ng umano’y ilegal na pagsasagawa ng dentistry ng mga dayuhan. Naabutan umano ang mga suspek habang nagsasagawa ng dental procedures, kabilang ang pagbunot ng ngipin.

Wala umanong maipakitang kinakailangang Certificate of Registration, Professional Identification Card, at special permit mula sa Professional Regulatory Board of Dentistry ang mga suspek.

Nahaharap ang tatlo sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 9484 o Philippine Dental Act of 2007. Paalala naman ng mga awtoridad na ang pagpapagawa ng dental procedures sa mga hindi lisensyadong practitioner ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga pasyente.

Hinikayat din ang publiko na tiyaking lehitimo at kumpleto ang professional credentials ng mga nag-aalok ng dental services at agad ireport sa kinauukulang awtoridad ang anumang kahina-hinalang pagsasagawa ng dentistry.