Habagat Larawan: PAGASA/FB

Habagat patuloy na magpapaulan sa Luzon, LPA may tsansang maging bagyo

32 Views

Patuloy na magdadala ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon ang umiiral na southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Inaasahan ang mga panaka-nakang pag-ulan sa Zambales at Bataan, habang makararanas naman ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, iba pang bahagi ng Central Luzon at Antique.

Nagbabala ang PAGASA na maaaring maging katamtaman hanggang malakas ang mga pag-ulan sa mga nasabing lugar, na posibleng magdulot ng flash flood at landslide, partikular sa mga lugar na madaling bahain at landslide-prone.

Samantala, makararanas din ng isolated rain showers ang iba pang bahagi ng bansa dahil sa habagat at localized thunderstorms. Mananatili ring katamtaman hanggang malakas ang hangin sa hilaga at kanlurang bahagi ng Luzon, na may katamtaman hanggang maalon na karagatan.

Sa iba pang lugar, mahina hanggang katamtaman ang hangin at bahagyang maalon ang mga baybayin.

Bukod sa habagat, mino-monitor din ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Ayon sa weather bureau, mayroon itong medium chance na maging tropical cyclone sa loob ng susunod na 24 oras.

Larawan: PAGASA/FB