Goitia: Soberanya ng Pilipinas di matatawaran

Jon-jon Reyes Aug 15, 2026
19 Views

AYON sa Chinese Foreign Ministry, kumilos ang kanilang mga awtoridad laban sa mahigit 100 Pilipino dahil umano sa iligal na pagtatrabaho at pananatili sa Tsina.

Ngunit sinabi ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. na “maaaring pagganti ito sa mga operasyon ng Pilipinas laban sa mga Chinese national.”

Sa pahayag noong Agosto 13, iginiit ng Department of National Defense (DND) na ang mga operasyon laban sa mga Chinese national ay isinagawa batay sa mga search warrant na inilabas ng korte. Ang mga inaresto ay umano’y pangunahing sangkot sa mga ilegal na negosyo.

Para kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, hindi dapat gawing panangga o pambala ang mga Pilipino sa alitan ng dalawang bansa.

“Hindi maaaring gamitin ang mga Pilipinong manggagawa para gipitin ang pamahalaan ng Pilipinas,” aniya.

Iginiit ni Goitia na may karapatan ang Pilipinas na ipatupad ang sariling batas sa loob ng teritoryo nito, anuman ang nasyonalidad ng iniimbestigahan.

“Kung may Chinese national na lumabag sa ating batas, dapat siyang dumaan sa tamang proseso. Hindi dahilan ang kanyang nasyonalidad para siya ay palampasin,” dagdag ni Goitia.

Para kay Goitia, kailangan ng Pilipinas ang matatag na paninindigan, ngunit hindi ang walang-ingat na komprontasyon.

“Nais natin ng kapayapaan, hindi pagpapasakop. Hindi maaaring tawaran ang dignidad ng Pilipino at soberanya ng Pilipinas.”

Maaaring ipagpatuloy ng Pilipinas ang diplomasya sa Tsina habang pinoprotektahan ang mga Pilipino at ipinagtatanggol ang sariling batas.

Ang mensahe, ayon kay Goitia, ay dapat malinaw: maaaring makipag-usap ang Pilipinas sa Tsina, ngunit hindi ito dapat matakot na ipagtanggol ang sarili nitong mamamayan at soberanya.