Calendar
Prosecution kay VP Duterte: Utang mo sa bayan na dumalo sa iyong impeachment trial
MULING nanawagan ang House Prosecution kay Vice President Sara Duterte na dumalo sa impeachment trial na isinasagawa laban sa kanya bilang kanyang obligasyon sa bayan.
Binanggit ng House prosecutor na si Rep. Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list ang piling pagdalo ng Vice President sa mga legal na paglilitis na mahalaga sa kanya nang dumalo siya sa pagdinig ng kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo Duterte sa mga kasong grave threats habang patuloy na hindi dumadalo sa sarili niyang impeachment trial.
“Of course the proceedings of her brother matter dahil kapatid niya yun. But I think the more important proceeding for her own grave threats proceeding at the Senate Impeachment Court, tapos na yun and she did not attend it,” sabi ni Ridon sa isang press briefing noong Biyernes.
Sinabi ni Ridon na inaasahan ng prosecution at ng sambayanang Pilipino na dumalo ang Vice President sa impeachment trial, tulad ng ginawa ng yumaong dating Chief Justice Renato Corona noong 2012.
Bagama’t inamin na hindi kinakailangang dumalo ng Vice President sa trial, sinabi ni Ridon na mas makabubuti sa kanyang panig kung pupunta siya roon at direktang haharap sa kanyang mga nag-aakusa.
“Hindi siya required to attend pero pag meron siyang righteous indignation dito sa proceedings na ginaganap laban sa kanya, she should be there to look prosecutors in the eye ‘na mga sinungaling kayong lahat, walang batayan yung kaso niyo,’ but she hasn’t done it,” sabi ni Ridon.
Higit sa lahat, sinabi ni Ridon na inaasahan ng publiko na dumalo siya at sagutin ang mahabang listahan ng mga tanong kaugnay ng kanyang impeachment na hanggang ngayon ay nananatiling walang kasagutan.
“Our expectation talaga and the public’s expectation, magpakita ang Pangalawang Pangulo sa kanyang paglilitis hanggang sa pinakadulo,” sabi ni Ridon.
“Ang totoo naman, she doesn’t have to speak there, pero ultimately kailangan niya harapin ang mga tanong e. There are 125 million questions that need to be answered for this confidential fund issue,” dagdag niya.
Sinabi ni Ridon na si Duterte lamang ang makapagpapaliwanag sa mga iregularidad na natuklasan sa paggamit ng mahigit P600 milyon na confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President at Department of Education noong siya pa ang namumuno rito.
Kabilang dito ang mga pirma sa libu-libong acknowledgment receipts na ayon kay Ridon ay tila iilang grupo lamang ng mga tao ang lumagda.
Sinabi ng House prosecution spokesperson na si Rep. Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na dapat bigyan ng Vice President ng parehong bigat ang sarili niyang impeachment trial gaya ng kaso ng kanyang kapatid sa Davao City.
“The weight that she displayed her loyalty or her obligation to her siblings should also equate to the obligation she needs to perform by facing the charges hurled against her,” sabi ni Alonto Adiong.
“Yung obligation niya sa taong-bayan, hindi natin nakita yun. Mukhang selective yung pagpupunta niya sa ganitong klaseng issue,” dagdag niya.
